top of page
Search
BULGAR

Bukod sa exercise… Paraan para mas madaling pumayat

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 31, 2021




Maraming salamat sa iyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc.


Ipagpatuloy natin ang diskusyon tungkol sa obesity at overweight, at kung paano ito magagamot o maiiwasan.


Sa nakaraang Part 2 ng ating serye ay napag-usapan natin na ang obesity ay serious medical condition na ayon sa Center for Disease Control and Prevention ng Amerika ay maaaring magdulot ng mga komplikasyon, tulad ng high blood pressure, sakit sa puso, pagbara ng mga ugat, diabetes, pagtaas ng cholesterol, disorders sa pagtulog at iba’t ibang uri ng cancers.


Maraming paraan upang bumaba ang timbang patungo sa healthy weight range.


Ayon sa Expert Panel sa Amerika na naglabas ng Clinical Guidelines on the Identification, Evaluation, and Treatment of Overweight and Obesity in Adults : The Evidence Report ng Obesity Education Initiative ng National Institutes of Health (NIH) ay may iba’t ibang strategies na epektibo. Ang mga ito ay dietary therapy, physical activity, behavior therapy, combined therapy, pharmacotherapy, at surgery.


Ayon sa nabanggit na Clinical Guidelines ang obesity ay nagdudulot ng maraming sakit at maagang pagkamatay. Malakas ang scientific evidence na ang paggamot ng overweight at obesity sa pamamagitan ng pagpapababa ng timbang ay magpapababa ng ating risk sa diabetes at sakit sa puso. Ang pagbaba ng timbang o weight loss ay magpababa rin ng blood pressure, blood sugar, tryglicerides at cholesterol level sa dugo.


Ang solusyon sa overweight at obese patients ay two-step process kung saan ang unang hakbang ay assessment at ang pangalawa ay treatment management. Sa assessment ay tinitingnan ang Body Mass Index (BMI) at Waist Circumference (sukat ng baywang). Ang Body Mass Index (BMI) at timbang ay ginagamit upang i-monitor ang effectiveness ng weight loss program.


Sa Waist Circumference ay nalalaman natin ang dami ng taba sa tiyan at ito ay ginagamit bilang independent predictor at basehan ng level of risk sa pagkakasakit. Nasa High Risk na magkaroon ng iba’t ibang sakit, tulad ng diabetes at sakit sa puso, at mga sakit na nauna ng nabanggit, ang kalalakihan na ang waist circumference ay mahigit sa 40 inches at sa babae ay mahigit sa 35-inches.


Ang unang goal ng weight loss therapy ay mapababa ang timbang ng sampung porsiyento (10 percent) sa loob ng anim na buwan (6 months). Karaniwan ito ay nangangahulugang pagbawas ng timbang mula one half (1/2) pound hanggang two (2) pounds sa isang linggo. Ito ay sa loob ng anim na buwan. Pagkatapos ng anim na buwan ay asahan na babagal ang pagbawas ng timbang. Ito ay dahil sa pagbawas ng tinatawag na energy expenditure ng ating katawan dahil na rin sa mas mababang timbang ng ating katawan. Maaaring bumalik ang nabawas na timbang sa nakaraang anim na buwan kung hindi ipagpapatuloy ang weight loss therapy sa pamamagitan ng pagbawas ng pagkain at pagpapatuloy ng physical activity o exercise.


Maaaring balikan ang nakaraang dalawang artikulo ng Sabi ni Doc tungkol sa Intermittent Fasting upang makatulong sa inyong weight loss therapy.


Ayon sa mga pag-aaral na ni-review ng Expert Panel, mas epektibo ang weight loss o weight maintenance therapy kung ito ay sasabayan ng exercise program. Ito ay nararapat umpisahan ng dahan-dahan. Maaari mag-umpisa sa marahang paglalakad (slow walking exercise) sa loob ng 5 o 10-minuto, tatlong beses isang linggo. Sa mga susunod na araw o linggo ay maaaring bilisan ang paglalakad o habaan ang oras ng paglalakad. Ang long term goal ay makapag-exercise ng 30-minuto, araw araw. Hindi kinakailangang mag-exercise nang tuluy-tuloy sa loob 30-minuto. Maaari itong gawin ng ilang beses sa loob ng isang araw.


Bukod sa exercise, mas magiging epektibo ang weight loss program kung ito ay sasamahan ng behavior therapy kung saan gagamit ka ng mga behavioral techniques tulad ng pag-monitor ng iyong eating habits at physical activity. Kasama rin ang stress management, cognitive restructuring at social support.


Kinakailangang sumangguni sa inyong doktor kung ninanais na uminom ng gamot na pampapayat (pharmacotherapy) o magpa-opera (surgery) kung ito ay nararapat para sa inyo.


Part 3

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page