top of page
Search
BULGAR

Buking sa Forensic Examination ng PAOlaman-loob at reproductive organ ng 13-anyos namatay sa

sa Dengvaxia, wala na matapos ang autopsy ng DOH



ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 26, 2021


Si Donita Jen Fernandez, 13, anak nina G. Edwin at Gng. Juliene Fernandez ng Quezon City, ay mahilig maglaro ng football. Noong Agosto 7, 2018, bago siya mag-track and field ay nakaramdam siya ng paninikip ng dibdib kaya hindi siya tumuloy sa pagtakbo.


Wala pang dalawang buwan ang nakaraan matapos ang pangyayaring ito, hindi lamang ang pagtakbo niya ang nahinto kundi maging ang pagpintig ng kanyang puso.


Si Donita Jen ay binawian ng buhay noong Setyembre 26, 2018. Siya ang ika-90 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay tatlong beses naturukan ng nasabing bakuna sa kanilang paaralan, una noong Abril 15, 2016; pangalawa noong Nobyembre 15, 2016; at pangatlo noong Hunyo 28, 2017. Ayon sa kanyang mga magulang, “Si Donita Jen ay aktibo, masayahin, masigla at malusog na bata, at walang malubhang sakit bago siya mabakunahan ng Dengvaxia vaccine. Mahilig siyang maglaro ng football, ngunit matapos siyang mabakunahan ay nagbago ang kanyang kalusugan.”


Noong Agosto 7, 2018, naganap ang pangyayaring nabanggit na sa itaas. Bumuti naman ang kanyang pakiramdam sa sumunod na araw, subalit upang mapanatag ang kanyang ina, dinala siya nito sa isang clinic sa Quezon City noong Agosto 11, 2018. Siya ay niresetahan ng gamot at patuloy namang bumuti ang kanyang kalagayan. Subalit pagdating ng Setyembre 2018, nadagdagan ang mga sintomas ni Donita Jen, naging kritikal ang kanyang kalagayan at humantong sa kamatayan. Narito ang ilan sa kaugnay na mga detalye:

  • Setyembre 23 - Hindi niya malasahan ang pagkain. Aniya, para siyang busog at mabigat ang kanyang tiyan. Pinainom siya ng kanyang mga magulang ng “herbal na sambong”, subalit hindi nawala ang nararamdaman niya.

  • Setyembre 25 - Namutla at nawalan siya ng ganang kumain. Labis na nanakit ang kanyang tiyan, hindi rin siya makatayo nang maayos. Pagsapit ng alas-4:00 ng hapon, dinala siya ni Aling Juliene sa isang clinic sa Quezon City at niresetahan siya ng gamot. Pagsapit ng alas-5:00 ng hapon, nagsuka siya na may kasamang dugo. Sinabihan ng doktor ang kanyang mga magulang na huwag nang bilhin ang mga nireseta at binigyan nito si Aling Juliene ng referral sa ibang ospital. Sa unang ospital na pinagdalhan sa kanya sa QC, hindi sila na-admit dahil puno. Dinala siya sa isa pang ospital sa QC, tinanggap sila at nagsuka siya nang dalawang beses na may kasamang kulay itim. Nanghina siya at sumakit ang tiyan kaya pinalagyan siya ng suwero at kinuhanan ng dugo upang suriin.

  • Setyembre 26 - Nagkalagnat siya. Binigyan siya ng paracetamol at nawala naman ito. Sa pagitan ng alas-10:00 hanggang alas-11:00 ng umaga, hindi na niya makilala si Aling Juliene. Kung anu-ano na ang kanyang sinasabi at siya ay nagha-hallucinate. Sumakit ang kanyang tiyan. Sinuri siya ng doktor at sinabihan ang kanyang mga magulang na may murmur na naririnig sa kanyang puso. Pasado ala-1:00 ng hapon, nag-convulsion siya at nagsuka ng kulay berde. Mayroon ding dugong lumabas nang ipinasok ang NGT sa kanya. Alas-3:30 ng hapon, nagreklamo siya ng hirap sa paghinga at alas-6:30 ng gabi, muli siyang nag-convulsion. Sinabi ng doktor sa kanyang mga magulang na wala nang buhay ang ibabang bahagi ng kanyang katawan at tanging aparato na lamang ang bumubuhay sa kanya. Siya ay nag-agaw buhay at sinubukang i-revive, subalit pagsapit ng alas-7:00 ng gabi ay tuluyan na siyang pumanaw. Ayon sa kanyang mga magulang, “Napakasakit para sa amin ng biglang pagpanaw ng aming anak. Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok kay Donita Jen bago siya dapuan ng sakit na kumitil sa kanyang buhay sa murang edad.”


Nakadagdag ng bigat sa trahedyang sinapit ni Donita Jen ang isinagawang autopsy diumano ng Department of Health (DOH) sa kanyang mga labi. Ayon sa kanyang mga magulang, “Dahil palaisipan sa amin ang sanhi ng karamdaman niya, napagdesisyunan naming humingi ng tulong legal kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta at upang isailalim muli sa Forensic Examination ang mga labi ni Donita Jen para malaman ang sanhi ng kanyang agarang kamatayan. Habang isinasagawa ng Forensic Team ng Public Attorney’s Office ang autopsy, aming napag-alaman na wala na ang internal at reproductive organ ang aming anak. Tanging utak ang natira dahil hindi kami pumayag na buksan ang kanyang ulo nang iminungkahi ito ng mga taga-DOH. Lalo kaming nanlumo nang malaman namin ito dahil hindi sumunod sa napag-usapan ang DOH hinggil sa pag-autopsy nila na tanging samples lamang ng kanyang internal organs ang kanilang kukunin. Dapat nilang panagutan ang ginawa nilang ito.”


Bilang tugon sa pamilya Fernandez sa inilapit nilang kaso ni Donita Jen sa amin, makatwiran at legal na mga hakbang na may kaugnayan sa nabanggit na pananagutan ng mga kinauukulan ang patuloy naming ibinibigay sa kanila. Sa dulo ng tunggalian sa hukuman, tulad ng patas na laro, nawa’y may magandang resulta na maipagkaloob sa yumaong football player na si Donita Jen.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page