ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | August 14, 2021
Mabuti naman at dininig ng Philippine Sports Commission at sa tulong na rin ni Sen. Bong Go ang hinaing at panawagan ng dating silver medalist na boksingerong si Onyok Velasco na nag-artista na rin para kumita para sa kanyang pamilya.
Ang mga incentives na ipinangako noon kay Onyok noong siya ay manalo ng silver medal sa Olympics ay hindi natupad at hindi naibigay sa kanya. Pati 'yung titulo ng bahay na bahagi ng kanyang premyo ay hindi pa rin naipapangalan sa kanya.
Ipinarating na ni Sen. Bong Go sa Malacañang ang hinaing ni Onyok. Kahit matagal na at marami nang pangulo ang nagdaan at hindi pa rin niya natatanggap ang ipinangako sa kanya noon, natutuwa si Onyok sa balitang mabibigyan din siya ng cash incentive na P500 thousand.
Malaking tulong na ito para sa comedian-boxer lalo na sa panahon ngayon na walang trabaho ang mga artista.
Tunay namang nakakainggit ang mga nakuhang incentives ni Hidilyn Diaz na halos umabot na sa P50 M. May house and lot pa sa Tagaytay, condo unit sa BGC, may bahay din sa kanilang probinsiya sa Zamboanga na fully furnished na at ang kanyang brand new car!
Comments