ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | September 22, 2021
Dear Sister Isabel,
Nawa’y nasa maayos kayong kalagayan, gayundin ang inyong pamilya. Ang problema ko ay tungkol sa aking asawa. Lalaking-lalaki siya, macho, romantiko at responsableng asawa at ama, subalit kamakailan ay natuklasan ko na may karelasyon siyang bakla at bisexual pala ang asawa ko. Kaya pala parang matabang na ang pagtingin niya sa akin at hindi na kagaya ng dati. Hindi ko na rin madama ang init ng kanyang pagmamahal.
Isa pa, hindi niya alam na alam ko na ang tunay niyang pagkatao, pati na ang tungkol sa kanila nu’ng karelasyon niya. Nabawasan na rin ang pagmamahal ko sa kanya at asiwa na ako sa pagsasama namin, lalo na ‘pag magkatabi kami sa kama. Wala na talagang spark ang relasyon namin, kaya gusto ko na siyang hiwalayan at sabihin sa kanya ang lahat ng natuklasan ko.
May isa kaming anak at ‘yun na rin ang inaalala ko. Baka hindi maintindihan ng anak ko kung bakit balak kong makipaghiwalay sa daddy niya. Sister, anim na taon pa lang ang anak namin, tama ba ang iniisip ko na hiwalayan na ang mister ko? Ano sa palagay ninyo ang dapat kong gawin?
Nagpapasalamat,
Elvira ng Lucena City
Sa iyo, Elvira,
Kung inaakala mong hindi ka na maligaya sa piling ng asawa mo at wala na rin ang init ng pagmamahalan ninyo, marapat lamang na hiwalayan mo siya at bigyan mo ng kalayaan ang sarili mo at pati na rin siya. Hindi maganda sa mag-asawa ang may gap sa kanilang pagsasama.
Sabihin mo ang natuklasan mo, sa palagay ko ay mauunawaan niya kung bakit gusto mo na siyang hiwalayan. Luluwag na rin ang kalooban niya dahil ang bagay na hindi niya masabi sa iyo at isinikreto niya nang mahabang panahon ay alam mo na ngayon. Tatanggapin niya nang maluwag sa kanyang kalooban ang pasya mo. Tungkol naman sa anak ninyo, sa pagdaan ng panahon ay mauunawaan niya ang lahat. Tutal bata pa naman siya sa kasalukuyan, hindi pa niya gaanong mamamalayan ang nangyayari sa inyong mag-asawa, kaya ano pa ang hinihintay mo?
Kausapin mo na ngayon din ang asawa mo at sabihin mo na hindi mo naman ipagkakait ang bata sa kanya dahil malaya pa rin niyang mabibisita at maipapasyal ang anak ninyo, basta ang mahalaga, pareho kayong nakawala sa nagpapabigat sa inyong kalooban.
Hangad ko ang kaligayahan ng bawat isa sa inyo sa buhay na kakaharapin ninyo sa piling ng inyong magiging kaagapay pagkatapos ninyong maghiwalay. Masakit din sa kalooban, subalit lilipas din ‘yan sa pagdaan ng panahon. ‘Ika nga, nabubura ng panahon ang alaala ng kahapon. Muling uusbong ang halamang nalagasan ng dahon.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments