@Editorial | September 11, 2021
Saan kaya aabot ang hinihinging P5.02 trillion national budget sa susunod na taon?
Sana ay mas maraming trabaho at mapagkakakitaan ang mabigyang-pansin ng gobyerno.
Napakalaking tulong kung magkakaroon ng ‘ika nga ng isang mambabatas ay “Jobs, jobs, jobs” program. Nakita naman natin kung paano nailarga at nagpapatuloy ang “Build, build, build” sa kabila ng mga krisis na kinahaharap ng bansa.
Kung makapagbubukas sana ng oportunidad sa mga nawalan ng trabaho, tiyak na magiging mas mabilis ang ating pagbangon mula sa pandemyang ito.
‘Pag may mga proyekto na kakailanganin ng tao, unahin na natin ang mga nasa malapit, huwag nang padaananin sa kung saan-saan o kung kanino.
Napakalaking bagay din kung susuportahan ang mga lokal na produkto. Palaging sinasabi na unang tangkilikin ang sariling atin, ba’t hindi simulan ng gobyerno?
Bakit tayo magkakandarapa sa gawa ng ibang bansa na kung hindi sobrang mahal, eh, mura nga, sirain naman? Suportahan sana natin ang mga negosyong Pinoy, maliliit at malalaki.
Ang pinakamalaking budget sa kasaysayan ng bansa ay maging daan sana para magkaroon ng mas maraming trabaho at negosyo.
Taglay na natin ang talino, diskarte, sipag at tiya, ‘ika nga, puhunan na lang ang kulang.
Comments