top of page
Search
  • BULGAR

Buhay at kamatayan, hawak ng Diyos

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Pebrero 11, 2024


Buhay at kamatayan, “life and death”. 


Ang dalawang ito ang laging naglalarong posibilidad sa walang katiyakang kinabukasan na dapat harapin ng bawat isa. Ano na ang natatagong biyaya o kapahamakan ng bukas? Maganda o hindi maganda? 


Sa nagdaang tatlong buwan, sa bawat dalaw ko kay Ed Diamonon, isang parokyano na kaibigan kong dinapuan ng cancer at nasa mga huling sandali na ng kanyang pagharap sa hiwaga ng buhay, iisa lang ang aming pinag-uusapan, ‘kailan ba matatapos ang lahat ng ito, ng paghihirap, panghihina… kailan ba darating ang kamatayan?’


Hirap na hirap na si Ed at labas-pasok na siya sa ospital. Batid ng lahat at alam din niya na may taning na ang kanyang buhay. Ang bawat araw ay isang hakbang na palapit sa katapusan. Ito lang ang hindi nalalaman ninuman, si Ed man o sinuman, dumating sa punto ng sukdulang paghihirap na lumabas na sa bibig ni Ed ang pakiusap, “Padre, pagod na ako, tulungan mo akong magdasal na kunin na Niya ako!” Napatigil ako ngunit, sinagot ko pa rin si Ed, na kung ‘yan ang nararamdaman niya at kung ‘yan ang ninanais niya talaga. 


Mula noon hanggang umalis ako pa-Japan, nagdarasal kami na kaawaan na siya ng Diyos at tapusin na ang kanyang labis na paghihirap at kunin na siya ng Diyos. At nang dumating na ako ng Japan noong Enero 24, 2024, tuwing naiisip ko si Ed, tahimik kong ipinagdarasal ang kanyang kahilingan na kunin na nga siya ng Diyos, ngunit huwag sana habang ako ay nasa Japan.


Ipinagkaloob ng Diyos ang aking panalangin, kaya’t pumanaw si Ed ng madaling-araw ng Pebrero 6, sa araw ng aking pagbabalik sa ‘Pinas galing Japan.


Nadalaw ko ang Hiroshima at Nagasaki, dalawang mahahalagang lugar hindi lang sa kasaysayan ng Japan kundi sa buong mundo. Napuntahan ko ang mga museo tungkol sa trahedya ng dalawang madidilim na panahon ng Japan at ng buong mundo, na nangyari noong Agosto 6 at 9, 1945. 


Dahil sa pagsabog at pagpatay sa libu-libong Hapones, 140 libo sa Hiroshima at 74 libo sa Nagasaki, hindi nag-atubiling nagpasya ang emperador ng Hapon na sumuko sa mga kaaway ng Japan. 


Kaya noong Agosto 10, 1945, naglabas ng liham ang emperador ng Hapon na ipinaalam ang pagsuko ng Japan sa Estados Unidos, Inghiltera, Russia at ang iba pang mga bansang magkakampi.  Ito ang napakahalagang katapusan ng World War II.


Nang matapos ang giyera, kailangang harapin ng Japan ang mapait na katotohanan hindi lang ng pagkatalo kundi ng pagkawasak ng Hiroshima at Nagasaki, ng kamatayan ng libu-libong Hapones. 


Sa mga dumating pang dekada, kailangan ding harapin ang seryoso at malubhang epekto ng bomba atomika na nagdulot sa libu-libong mga Hapones na nabuhay ng “Atom Bomb Disease.”


Kahirapan at sakit at huwag na nating isama rito ang kahihiyan. Ang mga ito ang dapat harapin ng talunang Japan noong Agosto 1945. 


Ngunit, nasaan na ang Japan sa parating na ika-79 taong anibersaryo ng pagsabog ng bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki ng mga naturang petsa?


Nang sumadsad sa pinakailalim at pinakaibaba ng kasawian at kapahamakan, sa tinatawag na “rock bottom”, naharap ang mga Hapones sa napakahalagang tanong, ano na ang gagawin natin upang umahon sa trahedyang ito? Sa halip na manatili sa trahedya ng kahapon, sama-samang humakbang ang mga talunang Hapones sa kakaiba at sadyang maganda’t maunlad na bukas. 


Gayunman, dumating na ang bukas na ito ng Japan.


Napakalinis, napakaayos, napakadisiplinado ng mga mamamayan, habang napakagalang at matulungin sa lahat sampu ng mga taga-labas, sa mga turista at maging sa mga pari at relihiyosong tulad ko. Nagsikap at sama-sama sila sa isang bagong Japan na marangal, magalang, mapayapa at maunlad.


Naglunsad kamakailan ng programang ‘Bagong Pilipinas’ ang pamahalaan. Ngunit, ang salitang ‘bago’ ay hindi tumutukoy sa bukas kundi sa kahapon ng kahawig na programa ng ama ng kasalukuyang pangulo.


Ibang-iba ang bukas na hinangad at tinahak, at pinagsikapan ng mga Hapones. Batay ito sa isang marangal na pananaw sa buhay, bansa, kalikasan, at dangal ng bawat mamamayan. Ibang-iba sa naging takbo ng ating bansa, lalo na sa ating pulitika mula 1945 hanggang ngayon. 


Nasaan na ang marangal at magalang na pagtingin sa buhay, bansa, kalikasan, at dangal ng bawat mamamayan. Sa bawat Pinoy at Pinay, lalo na sa mga maliliit at mahihirap na mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, manggagawang migrante, sa mga maralitang taga-lungsod at taga-nayon, sa milyun-milyong mamamayan na nagtatanong ngunit umaasa pa rin, paano, kailan, ano at sino talaga ang uugit ng tunay at magandang kinabukasan ng ating bansa? 


Sila-sila lang bang nasa puwesto at mahigpit na kumakapit dito? O tulad ng mga Hapones, lahat-lahat, sama-sama mahirap at mayaman, mataas at mababa, makapangyarihan at mahihina. Sama-samang tumitingin sa tunay na kinabukasan ng lahat hindi sa makitid at madamot na kahapon ng iilan.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page