by Info @Editorial | Mar. 1, 2025

Nakapanlulumo ang halos sunud-sunod na insidente ng sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan, ilang buhay na ang nawala.
Kasabay ng obserbasyon ng Fire Prevention Month ngayong Marso, patuloy ang paalala sa lahat na maging mas maingat dahil sa tag-init.
Ang sunog ay isa sa pinakamalupit na insidente na maaaring magdulot ng malaking pinsala hindi lamang sa ari-arian kundi pati na rin sa buhay ng tao. Kaya’t ang pagpapalaganap ng tamang kaalaman tungkol sa pag-iwas at paghahanda laban sa sunog ay napakahalaga. Ang mga sanhi ng sunog ay maaaring mula sa mga electrical short circuit, nakakaligtaang pagpatay ng mga gamit na may apoy, hanggang sa mga hindi maayos na pagtatapon ng basura na madaling magliyab.
Sa mga ganitong pagkakataon, ang pagkakaroon ng tamang kaalaman at disiplina sa pangangalaga ng ating mga kagamitan at kapaligiran ay isang malaking hakbang upang maiwasan ang sunog. Bukod dito, ang pagkakaroon ng fire exits, fire extinguishers at mga alarm systems sa kabahayan at pampublikong establisimyento ay napakahalaga upang matiyak ang mabilis na pagresponde at paglikas kapag may sunog.Importante rin ang pagkakaroon ng fire drills sa mga paaralan at komunidad. Gayundin ang papel ng mga LGU sa pagbibigay ng access sa mga training at seminar tungkol sa kaligtasan mula sa sunog.
Ang mga hakbang na ito ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi pati na rin ng bawat isa sa atin bilang miyembro ng komunidad. Hindi natin maiiwasan ang mga natural na sakuna, ngunit ang ating mga aksyon at kahandaan ay makatutulong upang mabawasan ang panganib na dulot ng sunog.
Ngayong Buwan ng Pag-iwas sa Sunog, ipalaganap natin ang kaalaman, disiplina at malasakit sa isa’t isa upang makamit ang isang mas ligtas at mas maayos na komunidad para sa lahat.
Comments