ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 19, 2021
Dinurog ng Milwaukee Bucks ang bisitang Brooklyn Nets, 104-89, upang maitabla sa 3-3 ang kanilang seryeng best of seven sa Eastern Conference semifinals ng 2021 NBA Playoffs kahapon mula sa Fiserv Forum. Sinigurado nina Khris Middleton at Giannis Antetokounmpo na magkakaroon ng Game Seven ngayong Linggo sa Barclays Centers.
Lamang ng buong 48 minuto ang Bucks kung saan umabot ng 21 ang lamang sa fourth quarter, 100-79, matapos ang bihirang four-point play ni Middleton at 4:45 sa orasan. Maganda ang simula ng Milwaukee at nakuha ang first quarter, 26-19, sa likod ng 11 puntos ni Antetokounmpo.
Nagtapos si Middleton na may 38 puntos at 10 rebound at sinundan ni Antetokoumpo na may double-double din na 30 puntos at 17 rebound. Nag-ambag ng 21 si Jrue Holiday.
Nanguna sa Nets si Kevin Durant na may 32 puntos at 11 rebound habang literal na naglaro ng pilay si James Harden subalit gumawa pa rin ng 16 puntos sa 40 minuto. Muling lumiban ang isa pang pilay na si Kyrie Irving.
Dalawang serye ang maaaring magwakas sa mga hiwalay na Game Six ngayong araw simula sa tapatan ng ganadong Atlanta Hawks at bisitang Philadelphia 76ers sa 7:30 ng umaga. Bumida si Trae Young sa 106-103 panalo ng Atlanta sa Game Five upang idiin ang 76ers sa East semis.
Sa West semis, susubukang manatiling buhay ang kampanya ng numero unong Utah Jazz sa kanilang pagdalaw sa Los Angeles Clippers sa 10:00 ng umaga. Mainit ang Clippers at nanalo sa huling tatlong laro ng serye, kasama ang 119-111 tagumpay sa Vivint Arena noong Game Five salamat kay Paul George na tinakpan ang pagliban ng pilay na si Kawhi Leonard.
Samantala, inilabas ng NBA ang listahan ng 2021 All-Rookie Teams na pinangungunahan ni 2021 Kia NBA Rookie of the Year LaMelo Ball ng Charlotte Hornets. Kasama ni Ball sa First Team sina Anthony Edwards ng Minnesota Timberwolves, Tyrese Haliburton ng Sacramento Kings, Sadiq Bey ng Detroit Pistons at Jae’Sean Tate ng Houston Rockets.
Komentar