top of page
Search
BULGAR

Bubble Olympic training camp, aprub na sa IATF

ni Gerard Peter - @Sports | December 16, 2020





Binigyan nang basbas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) ang kahilingan ng Philippine Olympic Committee (POC) na magsagawa ng ‘bubble-type training’ camp ang mga bumubuo ng national team na sasalang para sa mga darating na Olympics sa susunod na taon.


Inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Martes ng umaga sa press briefing, ang resolusyon bilang 88 na nagbibigay karapatan sa mga miyembro ng pambansang koponan na magpatuloy sa kanilang gagawing pagsasanay sa ilalim ng sinasabing ‘Bubble’ camp, kung saan planong ilagay ang tatlong koponan mula sa Boxing, Karate at Taekwondo sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna sa unang linggo ng Enero.


The request of the POC to resume the training of national athletes vying for the Tokyo Olympics in a ‘bubble-type’ setting is approved,” ayon sa lumabas na rekomendasyon ng IATF mula sa anunsyo ng Presidential Communications.


Kinakailangan umanong masusing makipag-ugnayan at maipaalam sa mga regional task force at local government unit ng mga pagdarausang ‘bubble training camp.’ Gayunpaman, hindi naging malinaw sa pahayag ni Roque kung tinutukoy nito ang mga Olympic hopefuls na naghahanda para sa pagsasanay sa darating na mga qualifying tourneys, gayundin ang mga sasabak para sa Asian Indoor Martial Arts Games (AIMAG), at 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam simula Nobyembre 20-Disyembre 2, 2021.


Noong nakaraang linggo ay inilabas ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez ang mga kakailanganing health at safety protocols upang payagan ang mga national athletes at coaches na magsimula ng mga aktuwal na pagsasanay. Idinagdag nitong magiging mahigpit sila sa pagpapatupad ng mga alituntuning inilabas para sa kaligtasan at kapakanan ng pambansang koponan.


Sinabi rin ng 70-anyos na sports official na mas magiging mahigpit ang kanilang ipatutupad na kautusan kung ikukumpara sa matagumpay na pagtatapos ng PBA Bubble sa Angeles City at Quest Hotel sa Clark sa Pampanga.


Matatandaang ipinatigil lahat ng ahensiya ng pampalakasan ang aktuwal na preparasyon at pagsasanay ng lahat ng bumubuo sa national team nitong Marso, gayundin ang lahat ng torneo kabilang ang 10th ASEAN Paragames, Philippine National Games, National Sports Summit, Batang Pinoy, UAAP, NCAA at iba pang mga pa-torneo ng national sports associations (NSAs), sapol ng pumutok ang Covid-19 pandemic sa buong mundo.


Kasalukuyang may apat na national atheletes ang pasok na sa 2021 Tokyo Olympics na binubuo nina pole vaulter Ernest Obiena, gymnast Caloy Yulo at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno. Sina Obiena, Yulo at Marcial ay nagsasanay sa ibang bansa, partikular na sa Italya, Japan at U.S. ayon sa pagkakasunod, habang nasa bayan niya sa Iloilo ang women’s flyweight na si Magno.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page