ni Mylene Alfonso @News | August 14, 2023
Mahigpit ang pagtutol ni Senador Bong Go sa anumang potensiyal na kasunduan na alisin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal.
Inihayag ito ng mambabatas sa isang panayam noong Biyernes matapos ang monitoring visit sa Malasakit Center sa Catbalogan City, Samar.
Sinegundahan pa ni Sen. Go ang paglilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na walang anumang kasunduan hinggil sa isyu, at kung mayroon man ay binabawi o kinakansela na niya ito.
"Unang-una, hindi po ako aware kung meron man agreement o wala na dapat nang i-withdraw ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal," pahayag pa ni Go, nang matanong hinggil sa naturang pahayag ni P-BBM, kaugnay ng umano'y kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at ng China upang alisin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal.
"Kung ano po ang atin ay atin. What is ours is ours po. At bilang Pangulo, si Pangulong Bongbong Marcos bilang chief architect ng ating foreign policy, ay alam niya po kung ano po ang mas makakabuti sa atin considering all things,” dagdag pa ng senador.
“Katulad ng sinabi ko noon not a single square inch ang isu-surrender natin d’yan. What is ours, is ours po,” giit pa ng mambabatas.
Matatandaang kamakailan ay binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard ang Filipino vessels sa West Philippine Sea.
Anang China, pumayag umano ang Pilipinas na i-withdraw ang BRP Sierra Madre ngunit hindi tinukoy kung sinong lider ng gobyerno o ahensiya ang nangako nito sa kanila.
Kapwa naman itinanggi ng Malacañang at ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pahayag ng China.
Commenti