ni VA @Sports | March 22, 2024
Habang naghihintay ng kanyang muling paglalaro sa PBA at sa kanyang susunod na Gilas Pilipinas stint, maglalaro bilang reinforcement ng Pelita Jaya Basketball Club sa Indonesian Basketball League si GIlas naturalized player Justin Brownlee.
Inanunsiyo ng Pelita Jaya noong Miyerkules ang paglagda sa kanila ng 3-time PBA Best Import na si Brownlee.
Nauna nang humingi ng permiso si Brownlee mula sa Samahang Basketbol ng Pilipinas at sa kanyang PBA team na Barangay Ginebra na makalaro upang manatiling nasa kondisyon.
Bibilang pa ng ilang buwn bago siya muling makalaro sa PBA para sa Kings dahil halos nangangalahati pa lamang ang PBA Philippine Cup habang sa Hulyo pa ulit magsisimula ang preparasyon ng national team para naman sa pagsabak nito sa FIBA Olympic Qualifying Tournament.Inaasahang makakatulong kay Brownlee ang paglalaro sa Indonesia para makabalik sa dati niyang porma pagkaraang mabakante ng halos apat na buwan dahil sa nangyaring pagpopositibo niya sa doping test sa nakaraang Asian Games sa China noong Oktubre.
Sa kabila ng mahabang layoff, nakapagtala pa ito ng averages na 21 points, 10 rebounds, 6 assists, 2 steals at 1 block kontra Hong Kong at Chinese Taipei sa unang window ng FIBA Asia Cup Qualifiers.
Makakasama ni Brownlee sa koponan ng Pelita Jaya ang mga NBA players at dating PBA imports na sina Thomas Robinson, KJ McDaniels gayundin sina Malachi Richardson at JaQuori McLaughlin at mga Indonesian national team standouts Brandon Jawato, Anthony Beane at Andakara Prastawa .
Ang kanyang unang pagsalang para sa Pelita Jaya na may kasalukuyang rekord na 7-1, panalo-talo ay bukas-Sabado, Marso 23 kontra sa RANS Simba Bogor.
Comments