ni Gerard Arce / VA @Sports | June 8, 2023
Naglabas ng 21-man pool ang Gilas Pilipinas para sa FIBA Basketball World Cup sa pangunguna nina Filipino-American Jordan Clarkson at dalawa pang naturalized players na sina Justin Brownlee at Ange Kouame.
Hindi naman mawawala sa listahan sina Gilas mainstays at 7-foot-3 center Kai Zachary Sotto, na abala sa kanyang mga dinadaluhang mini camp sa Estados Unidos sa NBA, habang parte rin ang iba pang Fil-Americans na sina Chris Newsome ng Meralco Bolts, Jamie Malonzo ng Brgy. Ginebra at dating NCAA 1 player mula Toledo na si AJ Edu.
Nananatiling matatag sa Gilas sina six-time PBA MVP June Mar Fajardo ng San Miguel at 2022 PBA MVP Scottie Thompson ng Ginebra, gayundin ang mga beteranong sina Japeth Aguilar ng Gin Kngs, CJ Perez ng Beermen at Poy Errma, Roger Pogoy at Calvin Oftana ng TNT Tropang Giga.
Nakalista pa rin ang mga overseas players mula sa Japan B.League at Korean League na sina Dwight Ramos ng Levanga Hokkaido, Kiefer Ravena ng Shiga Lakestar, Jordan Heading ng Nagasaki Velca, Bobby Ray Parks Jr ng Nagoya Diamond Dolphins, Carl Tamayo ng Ryukyu Golden Kings at Rhenz Abando ng Anyang KGC.
Siniguro ni Sotto na maaari siyang maglaro sa national squad kahit na maraming ispekulasyon na puwede itong mabakante dahil sa pagka-abala sa kanyang NBA dream, habang pagpipilian naman kina Clarkson, Brownlee at Kouame ang mapapasama sa pinal na listahan na lalaro para sa bansa.
Simula Agosto 25-30 ay nakatakdang ganapin ang mga laro ng sabay-sabay sa Pilipinas, Japan at Indonesia, habang ang final phase ay nakalatag simula Setyembre 5-10.
Nakatakdang makatapat ng Pilipinas sa Group A kasama ang Angola, Dominican Republic at Italy.
Comments