ni Anthony E. Servinio @Sports | May 30, 2024
Bumalik na ang Alas Pilipinas na kilala ng mga tagahanga. Inireserba ng pambansang koponan ang kanilang pinakamahusay na laro at inuwi ang pangatlong puwesto matapos umulit sa Australia – 25-23, 25-15 at 25-7 – sa huling araw ng 2024 AVC Challenge Cup for Women kahapon sa punumpuno at maingay na Rizal Memorial Coliseum.
Kahit nabigo sa Kazakhstan sa semifinals wala pang 24 oras ang lumilipas, ibang Alas ang dumating sa palaruan kasama ng kanilang libu-libong tagahanga. Bitbit ang mga aral mula sa laro kontra Kazakhs at Volleyroos sa elimination round, nawala ang kaba at nabawasan ang mga pagkakamali.
Nanigurado ang Alas at kumapit ng todo upang makuha ang unang set, isang bagay na hindi nila nagawa sa unang laro sa Volleyroos at sa pangalawang salang nila kontra India. Lalong tumindi ang mga atake sa pangalawang set. Masasabi na ang pangatlo at huling set ang pinakamabangis na porma ng Alas at nagtayo ng 16-6 lamang bago ipinasok ang huling 9 na puntos na tinuldukan ng dalawang napakalakas na hampas ni Sisi Rondina.
Sina Rondina, Eya Laure, Thea Gagate, Angel Canino, Fifi Sharma at kapitana Jia Morado-de Guzman ay tila nawala sa eksena sa Kazakhstan at tanging ang baguhang si Aira Panique ang bumuhay sa koponan. Bumawi ng malaki ang mga bituin ng Alas na bumalik ang porma na susi sa pagwalis sa apat na laro sa elimination.
Ang tanso ang unang medalya ng mga Pinay sa Asya. Mula rito ay dadalhin nila ang bagong tuklas na enerhiya sa 2024 FIVB Challenger Cup sa Hulyo sa Ninoy Aquino Stadium kung saan nakataya ang tiket sa Volleyball Nations League.
Napunta sa India ang 5th place at wagi sila sa Iran – 25-17, 25-16 at 25-11. Ang ika-7 puwesto ay napagwagian ng Indonesia kontra 2022 champion Hong Kong – 25-15, 25-19 at 25-20.
Comments