ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | August 07, 2021
Dear Doc Erwin,
Kamakailan ay lumabas sa pahayagan na makatutulong ang mga gulay, tulad ng Broccoli bilang panlaban sa kanser. Dahil maraming fake news, minabuti kong sumulat sa inyo upang malaman ang katotohanan kung may basehan ito sa siyensa. Ako ay prostate cancer survivor at limang taon nang cancer-free. Sana ay maipaliwanag n’yo sa ‘kin at sa mga tagasubaybay ng Sabi ni Doc ang kahalagahan ng Broccoli sa aming kalusugan at kung ito ay makatutulong panlaban sa kanser. – Jose C.
Sagot
Maraming salamat Jose sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang Broccoli, na may scientific name na Brassica oleracea ay itinuturing na isa sa mga cruciferous vegetable o gulay, kasama ng cabbage, bok choy, kale at cauliflower.
Ito ay tinatawag na “cruciferous” dahil sa hugis crucifer o cross ang apat na petals ng bulaklak nito. Ang Brocolli ay kasama rin sa tinatawag na “dark green” vegetables na makatutulong sa ating kalusugan. Ayon sa Cleveland Clinic sa Amerika, mayaman ang Broccoli sa fiber, vitamin C, Vitamin B9, Vitamin E, potassium, selenium at sa mga phytochemicals. Ang mga phytochemicals ay nakatutulong panlaban sa inflammation at mapababa ang risk na magkaroon ng cancer.
Mayaman din ang Broccoli sa glucosinolates. Ito ang nagbibigay ng kakaibang amoy at pait sa panlasa sa mga cruciferous vegetables. Ayon sa mga pananaliksik, ang glucosinolates ang ginagamit ng halaman upang gamutin ang sarili nila kung ito ay masira o masugatan. Nagre-release ng enzyme na tinatawag na myrosinase ang halaman kung ito ay masira at ang glucosinolates ay kino-convert nito sa mga active compounds katulad ng indole at sulforaphane. Ang conversion ay nangyayari rin habang nginunguya at habang sumasailalim sa digestion ang Broccoli sa ating bituka. May research studies na nagpakita na ang pagkain ng diet na mayaman sa cruciferous vegetables, tulad ng Broccoli ay nagpapababa ng posibilidad na magkaroon ng iba’t ibang cancer, tulad ng pancreatic cancer at breast cancer. Maaari rin bumaba ang tsansa na magkaroon ng cancer sa pantog (bladder), baga (lung), prostate at colon cancer.
Ayon sa National Cancer Institute ng National Institutes of Health ng Amerika, may iba’t ibang paraan o mekanismo ang indole at sulforaphane na nasa Broccoli, para maiwasan magkaroon ng cancer. Pinoprotektahan nito ang ating mga cells laban sa pagkasira ng ating genes o DNA. Pinapawalang bisa (inactivate) rin nito ang mga cancer-causing chemicals galing sa pagkain at ating kapaligiran. Maaari rin makaiwas sa cancer sa pamamagitan ng anti-bacterial, anti-viral at anti-inflammatory properties nito.
Sa pagaaral ni Dr. Q.J. Wu at kanyang mga kasama sa Shanghai Jiaotong University School of Medicine na inilathala sa Annals of Oncology nuong April 2013 ay bumaba ang risk na magkaroon ng cancer sa bituka (colorectal at colon cancer) ang mga indibidwal na kumakain ng cruciferous vegetables.
Gaano karami ang dapat kainin na cruciferous vegetables? Upang makuha ang maximum anti-cancer effect galing sa cruciferous vegetable, ayon kay Dr. Elizabeth Jeffery at Dr. Anna-Sigrid Keck ng Department of Food Science and Human Nutrition ng University of Illinois ay kinakailangan na kumain ng tatlo hanggang limang servings ng cruciferous vegetables kada linggo. Sa pamamagitan nito ay mapapababa ang risk na magkaroon ng cancer ng 30 hanggang 40 porsiyento. Ayon naman sa pag-aaral nina Dr. Q.J. Wu, na nauna ng nabanggit, ang pagkain ng isang serving ng cruciferous vegetable sa isang linggo ay magpapababa ng risk na magkaroon ng cancer sa kidney, breast, colorectal, oral cavity, pharynx at esophagus.
Bukod sa pagkain ng gulay na Broccoli ay maaari rin uminom ng supplements na naglalaman ng sulforaphane na galing sa Broccoli o Brocolli sprouts. Karaniwan na naglalaman ng 400microgram na sulforaphane ang isang kapsula nito. Walang recommended daily intake ng sulforaphane, ngunit maaaring uminom ng isa hanggang dalawang kapsula base sa inyong timbang araw araw.
Bagama’t karaniwang walang side effect, tandaan na maaaring may mild side effects na maramdaman sa pag-inom ng sulforaphane o cruciferous vegetable supplements. Ang iba ay maaaring makaranas ng kabag, pagtatae o mahirapang makadumi (constipation). Ang iba naman ay nakararamdam ng masusuka (nausea) at pagsusuka (vomiting).
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments