top of page
Search
BULGAR

Brazil at Russia, malupet na kalaban ni Bejino sa Freestyle

ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 02, 2021



Nakatutok ang pansin ngayong Huwebes kay swimmer Gary Bejino sa kanyang paglahok sa 400M Freestyle S6 ng Tokyo 2020 Paralympics mula sa Tokyo Aquatics Center. Magsisimula ang karera ng alas-8:00 ng umaga at haharapin niya muli ang mga pamilyar na karibal sa patuloy na paghanap ng unang medalya ng Pilipinas.


Tulad ng kanyang mga naunang sabak, nagsumite ng pinakamabagal na oras sa anim na kalahok sa unang qualifying heat na 5:33.47. Paborito dito si Talisson Henrique Glock ng Brazil (5:05.84) at ang dalawang kinatawan ng Russian Paralympic Committee na sina Andrei Granichka (5:08.26) at Viacheslav Lenskii (5:14.14) habang ang iba pang kalahok ay sina Leo McCrea ng Switzerland (5:26.51) at Lorenzo Perez ng Cuba (5:19.37).


Ang walong pinakamabilis sa 13 ang tutuloy sa finals na gaganapin agad ng 4 p.m. Ang World Record na 4:47.75 at Paralympic Record na 4:48.31 ay parehong hawak ni Anders Olsson ng Sweden.


Sa gitna ng kabiguan na makapasok sa finals ng mga naunang karera, buo pa rin ang tiwala ni Philippine Paralympic Committee (PPC) Presidente at Chef de Mission Mike Barredo sa bagitong Paralympian. Naniniwala ang beteranong opisyal na kung bibigyan si Bejino ng mas matinding pagsasanay ay makababalik siya sa Paris 2024 Paralympics.


Inamin ni Barredo na bunga ng pandemya, halos walang ensayo ang mga pambansang Paralympian sa buong 2020 matapos silang ilikas mula sa Philsports Complex sa Pasig City at gawin itong lugar para sa quarantine. Nagpasalamat si Barredo sa Philippine Sports Commission (PSC) na gumawa ng paraan upang makapag-ensayo sa bubble ang mga Paralympian ng isa hanggang dalawang buwan bago umalis patungong Japan.


Sa kaso ni Jeannette Aceveda na lalaro sana sa Standing Discus Throw F11, determinado siya na gawin ang lahat upang makalahok din sa Paris 2024. Ayon kay Barredo, kinalimutan na ni Aceveda ang nangyari at nanatili ang buong suporta sa kanyang layunin.


Sa karera ng medalya, patuloy ang masaganang ani ng Tsina na 63 ginto, 39 pilak at 32 tanso. Mas marami pa ang kanilang ginto kahit ipagsama ang mga ginto ng mga humahabol na Gran Britanya (29-23-28) at Russian Paralympic Committee (26-16-34).

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page