top of page
Search

Boses ng Masa: Ano ang magagawa ng isang mamamayan para maging kaisa sa pagbangon ng Pilipinas?

BULGAR

“Babangon tayo.”


Ito ang katagang nakatatak sa ating isip at puso sa kabila ng iba’t ibang hamon na ibinato sa atin ng mga nakalipas na taon.


‘Ika nga, maraming pinadapa ang pandemya — maliliit o malalaking negosyo, lahat ay apektado. Ang ending, maraming nawalan ng hanapbuhay, na nagresulta naman sa pagbagsak ng ekonomiya.


Pero bilang Pinoy, hindi tayo nagpatinag at dumating man ang maraming pagsubok, nananatili tayong matatag at sinisikap nating bumangon, hindi lamang para sa sarili kundi para sa buong Pilipinas.


Naniniwala rin tayo na malaking bahagi ng pagbangon ng bansa ang pagkakaisa ng mamamayan at gobyerno.


Kaya upang mabigyang-boses ang taumbayan, sinikap naming kumuha ng maiksing panayam mula sa ilan nating mga kababayan. Ang tanong, paano ka magiging kaisa para sa pagbangon?


Malaki ang papel ng media pagdating sa pagbibigay ng tunay at napapanahong balita.

Radyo, telebisyon, pahayagan at social media man, lahat ay nagsisilbing tulay para maabot ng balita ang taumbayan. Bukod pa rito, ito ang daan para makarating sa mga kinauukulan ang hinaing ng mga mamamayan.


Para kay Anne Clavio, Communication student at part time media worker, siya ay magsisilbing tulay ng ating mga kababayan para ipagbigay-alam ang lagay ng bansa. Gayundin, para maiparating sa mga kinauukulan ang mga suliranin na dapat bigyang-pansin, siya ay magsisilbing boses ng lipunan. Aniya, “Ako ay magiging instrumento ng mga nasa laylayan upang maunawaan nila kung ano ang tunay na estado ng bansa, kung ano’ng proyekto ang nakalaan para sa kanila. Bukod pa rito, makakatulong din ako upang maihatid sa mga nakatataas kung ano ang mga kaukulang pangangailangan, ano ang dapat na binibigyang-pansin at nangangailangan ng agarang aksyon sa lipunan.”


“Kinakailangan din na maintindihan ng lahat kung ano ang magiging resulta at kaakibat ng kanilang pakikiisa patungo sa ikagaganda ng bansa.”


Pagpapalaganap ng tama at napapanahong balita naman ang nais gawin ni Jenina Reyes, Information Officer ng Malolos Office-City Government of Malolos, Bulacan, bilang maging bahagi ng pagkakaisa para sa pagbangon. Ayon kay Jenina, “Ito ay bilang paglaban sa mga pekeng balita na nakakaapekto sa paniniwala ng bawat makakabasa nito. Kung tama ang impormasyong hawak ng isang tao, makakatulong ito sa pagkakaroon ng pagkakaisa dahil tama at iisa ang pinaniniwalaan.”


Kung ang Philanthropist at Awarded Journalist na si Rikki Mathay naman ang tatanungin, responsableng pamamahayag ang sandata para sa tunay na pagbabago. Giit niya, “Ako ay lubusang namulat sa mga tunay na nararanasang hinagpis ng mga Pilipino na nasasadlak sa kumunoy ng kahirapan at iba pang uri ng kawalan ng katarungan sa lipunan. At dahil tayo ay mamamahayag noon pa man, batid kong malakas na sandata ang responsableng pamamahayag upang makahimok ng tunay na pagbabago. Naniniwala akong matatawaran ang kapangyarihan ng media sa pagiging boses ng bayan.”


Malayo man sa bansa at kanilang mga mahal sa buhay, hindi rin magpapahuli ang ating mga overseas Filipino workers (OFWs) pagdating sa pakikiisa para sa pagbangon ng Pilipinas.


Bilang OFW sa Malaysia, binigyang-diin ni Jobelle Ann Ladea, Operations Manager ng isang BPO company, na hindi lamang para sa pamilya ang kanyang sakripisyo kundi maging para sa ekonomiya ng Pilipinas. Paliwanag ni Jobelle Ann, “Malaki ang nagagawa ng palitan ng dolyar at peso sa paggalaw ng ating ekonomiya. Bukod pa rito, bilang Pinoy na nasa ibang bansa, nagpapakatino, sumusunod, nagbibigay-respeto at nag-a-adjust ako sa kanilang kultura, batas at iba pang paniniwala dahil alam ko na bukod sa aking sarili at pangarap, bitbit ko rin ang aking pagiging Pinoy — dapat kaming maging inspirasyon o huwaran at hindi kahihiyan. Sa totoo lang, maraming pagkakataon na malungkot ang buhay sa ibang bansa, pero hindi man madali ang napili naming career, lalaban pa rin kami para sa magandang kinabukasan at kapaki-pakinabang na ambag sa ating lipunan.”


Para naman kay Roy Almirañez, Mason sa Saudi Arabia, siya ay makikiisa sa pagsulong ng mga batas para sa ikauunlad ng mga manggagawang Pilipino sa buong mundo. Aniya,“Kagaya na lang ng RA 10022 na nakatuon sa pagpapabuti ng pamantayan ng proteksyon at pagsulong sa kapakanan ng mga migranteng manggagawa sa kanilang mga pamilya at mga OFW na nangangailangan ng tulong.”



Sa usapang ekonomiya naman, maraming naniniwala na ang pagbabayad ng buwis ang mahalagang hakbang upang makabangon ang bansa.


Bilang pagtalima sa kautusan ng gobyerno, tamang pagbabayad ng buwis ang nais gawin ni Christine Cañeza, isang Manager ng McDonald’s para makiisa sa pamahalaan. Naniniwala umano siya na kailangang suportahan ang mga batas. Aniya, “Ako ay magiging kaisa sa pagbangon sa pamamagitan ng tamang pagbabayad ng buwis at pagsunod sa ating batas. Magiging kaisa ako sa mga adhikain ng gobyerno para sa ating bayan tulad ng pagsuporta sa isinasabatas ngayon na pagbabayad ng buwis ng mga vlogger at online seller.”


Tulad ni Christine, tamang pagbabayad ng buwis din ang karapat-dapat na hakbang upang makabangon ang ekonomiya para kay Japhette Alec Pulido na isang Financial Advisor. Ayon kay Japhette, “Sa aking palagay, magiging kaisa ako sa pagkakaisa sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis upang makabangon ang ekonomiya ng bansa.”


Bukod pa rito, nais din ni Japhette na maging kaisa sa pagtuligsa sa mga illegal na gawain ng pamahalaan gamit ang social media. Aniya, “Isa pang maaaring maging daan ay ang makatwirang pagtuligsa sa mga maling gawa ng pamahalaan gamit ang social media. Gayunman, naniniwala ako na dapat ding purihin ang kapaki-pakinabang na aksyon ng gobyerno at paalalahanan sa maling mga gawa nito tulad ng korupsyon.”


Para sa banker na si Andrei Castro ng Wells Fargo, siya ay magiging bahagi ng pagkakaisa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng integridad at maayos na paggawa ng kanyang trabaho. Dagdag pa niya, “Hindi sapat ang pagtatrabaho nang walong oras kada araw, kaya dapat may inisyatiba para maatim ang maayos na ekonomiya. Dapat ding ingatan ang salapi ng bawat indibidwal.”


Gaya ni Andrei, malaking bagay para sa Trade Finance Specialist na si Darlyn Joyce Enrico, ang kaalaman sa paghawak at pagpapaikot ng pera para hindi lamang umasa sa ayuda ng gobyerno. Ayon kay Darlene, “Kaisa ako sa pagbangon ng bansa dahil nagsisilbi akong instrumento para makatulong sa mga nangangailangan ng financial literacy at support. Nabibigyan namin sila ng oportunidad na maranasan ang magandang kalidad ng buhay. Naniniwala ako na kapag mayroon tayong magandang daloy ng pera, hindi na natin kailangan pang umasa sa ayuda ng pamahalaan.”


Kung kailangan natin ng sapat na kaalaman para maibangon ang ekonomiya, bilang mamamayan, disiplina naman ang maiaambag ni Joel Patayan na Pastor at Admin Staff ng Emmanuel Ministry Institute. Ani, Pastor Joel, “Mula sa praktikal na araw-araw na gawain ang pagiging disiplinado sa oras ng trabaho, pagpasok sa tamang oras at pagiging tapat ay malaki ang maiaambag sa pagbangon ng ating bansa.


“Bilang isang lingkod ng Diyos at staff ng paaralan, ang maituro ang tama at katotohanan na ang Panginoon ang may hawak ng pag-unlad at pagyaman ng isang bansa. Habang tayo ang kanyang caretaker sa mundong ating ginagalawan, mamuhay tayo ng mabuti at naaayon sa batas.”


Dahil sa lockdown na ipinatupad ng pamahalaan bilang parte ng pag-iingat laban sa COVID-19 pandemic, pahirapan ang paglabas para mamili ng mga pangunahing pangangailangan. Dito lalong napagtuunan ng pansin ang kahalagahan ng mga rider na nagsilbi ring frontliner mula nang magkaroon ng pandemya.


Naging kaisa ng gobyerno ang Malabon City Bayanihan na nagbigay ng libreng serbisyo sa kanilang mga residente. Ayon kay Joseph B. Legaspi, Founder/President ng Malabon City Bayanihan, “Ating hinikayat ang mga motorcycle riders na makiisa at magsilbing frontliners para sa ating mga kababayan. Ito ay sa pamamagitan ng paghahatid ng mga basic needs tulad ng pagkain at gamot, lalo na sa mga senior citizens, person with disabilities (PWDs) at mahihina ang pangangatawan nang walang bayad.


“Itong Malabon City Bayanihan ay hindi lamang nakapagtawid ng tulong sa mga senior citizens, PWD at maysakit kundi naging kaagapay din ng mga nawalan ng trabaho gaya ng mga volunteer riders. Sila ay nabigyan ng kaunting mapagkukunan ng panggastos mula sa donasyon ng mga nakikisuyo sa pagdedeliber.


Bukod sa mga rider at biker, mayroon din tayong mga tinutulungan na online sellers sa pamamagitan ng paghahatid ng kanilang mga paninda sa mga kostumer nang walang rate, tanging donasyon lamang.


Patuloy natin itong ginagawa kahit patapos na ang pandemya dahil naniniwala ako na ngayon mas kailangan ng ating kababayan ang tulong dahil nagsisimula pa lang tayong bumangon mula sa pagkakalugmok ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic.”


Para naman sa lumalalang problema sa trapik, bilang Angkas rider, matiwasay na pagseserbisyo ang magagawa ni Robin para maihatid nang ligtas ang kanyang mga customer. Aniya, “Ang magagawa ko bilang rider ay maihatid nang maayos sa trabaho ‘yung mga customer ko, na kadalasan ay mga papasok sa trabaho. Sa lala ng problema sa trapik ngayon, naniniwala ako na malaki ang nawawala sa Pilipinas dahil dito. Kaya sa abot ng aking makakaya, magbibigay ako ng maayos na serbisyo para makarating nang matiwasay ang mga customer ko at para makapagtrabaho sila sa tamang oras.”


Naniniwala naman si Jonnie Aristorenas Anzures na hindi madali ang maging kaisa sa pagkakaisa para sa pagbangon ng bansa, pero hindi ito imposible. Inihalimbawa niya ang kanilang high school reunion. Aniya, “Ang reunion ay para ring national recovery dahil parehong nangangailangan ng pagsasakripisyo ng halaga, panahon at gilas.”


Bilang komite at classroom president noong hayskul, kinailangan niyang ipaliwanag sa kanyang mga ka-batch na makabubuti ang reunion para sa lahat. Giit ni Jonnie, “Naging mas maunawain ako, accommodating at handang magsakrpisyo, ‘ika nga, ‘for the greater good’. Ganundin sa pagbangon at pag-unlad ng bayan, dapat inclusive at nakikiisa ang lahat. Sabi nga ng prominenteng mamamahayag na si Joe Taruc, ‘Hindi puwedeng kasama, pero hindi naman kasali.’ Kapag na-disenfranchise o feeling ng mga tao na hindi naman sila kasali, malabo na makiisa sila sa pag-angat.”


Ibinahagi rin niya na sineryoso niya ang sinabi ng kanyang kaklaseng pastor na, “Maaaring hindi mo kailangan ang reunion, ngunit ang mga kamag-aaral mo sa reunion ay kailangan ka.” Nalaman aniya na mayroon siyang kaklaseng nangangailangan ng dugo para sa maselang operasyon. Kaya kapos man sa pera, nag-donate siya ng dugo.


Tumatak sa amin ang sinabi niya na, “Hindi ko sinasabing kailangan nating magtigis ng dugo para sa pag-angat, pero kung hihintayin natin ang pagbabago at pag-unlad nang wala naman tayong inaambag na halaga, panahon at gilas para rito, nananaginip tayo nang gising. Hindi madali ang pag-angat, ngunit nagiging madali ito kung tayo ay nagkakaisa sa pag-unlad.”


Para sa Behavioral Specialist na si Michelle Santos, bukod sa disiplina ay makakatulong sa pag-unlad ng bansa ang pagbaba ng crime rate at isa na rito ang nangyayaring bullying. Ayon kay Michelle, “Bilang isang propesyunal at guro ng mga batang may special needs, makakatulong ang aking kasanayan at kaalaman sa pamamagitan ng pagpapaunawa o pagbibigay-kamalayan sa mga magulang at ibang tao ukol dito, nang mabawasan at maiwasan ang diskriminasyon, habang patuloy tayong nagkakaisa tungo sa iisang layunin na umunlad ang Pilipinas.”


Sa kabilang banda, batid nating naharap din sa mabigat na pagsubok ang entertainment industry. Maraming proyekto ang nahinto, kaya marami ring nawalan ng hanapbuhay sa kanilang hanay. Ngunit ngayong unti-unting nabubuhay ang industriya, ramdam natin ang ingay at pagbabalik ng kilalang mga personalidad.


Para sa singer, actress at host na si Toni Gonzaga, mahalagang magkaisa para sa pagbangon ng entertainment industry. Aniya, “Maliit lang ang industriya natin, we should all help each other, we should also support each other, we should all be each other’s ally. Magtulungan tayong lahat para umangat ang industriya.”


Upang magtuloy-tuloy naman ang pag-unlad ng bansa, naniniwala ang singer, comedian, TV host na si Randy Santiago na dapat tayong makipagtulungan sa gobyerno. Dagdag pa niya, “Hindi tayo dapat nagsisiraan para mas maging maganda ang pagsasama natin”


Bilang actress at TV host, binigyang-diin ni Mariel Rodriguez-Padilla na may magagawa ang tulad niyang celebrity upang matulungan ang mga negosyo na nagsisimula pa lamang bumabangon.


Bagama’t marami umano ang nasanay sa Xdeal o sponsorship, maging siya ay tumatanggi dahil nauunawaan niyang nagsisimula pa lamang ang ilang mga negosyo. Dagdag pa rito, para mas makatulong, nagpo-post umano siya sa kanyang socmed accounts para magpasalamat dahil naniniwala siyang malaking tulong ito sa mga negosyo. Aniya, “Bilang celebrity, I promote them. Ano ba naman ‘yung pasalamatan mo sila sa social media dahil wala namang nawala sa ‘yo. Maliit na bagay, pero makakatulong sa kanila and with that, slowly, tayong lahat ay mas makakabangon.”


Dahil apektado rin ng pandemya ang bar at entertainment industry, lubhang naapektuhan ang mga waiter, kitchen staff, gayundin ang mga comedy entertainer. Kaya bilang owner ng Hideout Bar & Restaurant, agad na gumawa ng paraan si Reden Dayao upang matulungan ang mga apektadong staff ng ilang nagsarang comedy bar.


Aniya, “Hindi lang bagong trabaho ang ibinigay natin sa kanila kundi isa ring pagkakataon na mas marami pang matulungan. Nagsimula tayo sa 10 performers hanggang sa nag-refer sila ng mga kakilala kaya nadagdagan pa. Nakita natin kung paano nila ibinabangon ang isa’t isa. Bukod sa live performance, may mga vlog na rin sila at sila-sila ang nagko-collab, na ‘yung income ay hindi lang para sa pamilya kundi pati sa mga kasamahan din nila na nangangailangan.


“Napatunyan natin na may magbukas lang na oportunidad at may mabubuting tao na makakuha nito at maipasa sa iba, mas marami pa ang matutulungan natin, mas mabilis tayong makakabangon.”


Kung may magagawa ang ating mga celebrity at business owner, hindi rin magpapahuli ang mga atleta sa ating bansa pagdating sa pakikiisa para sa pagbangon ng Pilipinas.


Para sa boksingero na si Pedro Taduran o mas kilala bilang “Kid Heneral”, ang pagiging mabuting tao at ang pagiging palaban ay makakatulong sa pagbangon ng bansa. Aniya, “Ako ay magiging kaisa sa pagkakaisa para sa pagbangon ng aking pamilya at bansa sa pamamagitan ng pagiging mabuting tao at pagkakaroon ng damdaming palaban sa lahat ng hamon sa buhay. Ang kapalaran ay mapaglaro’t mapanlinlang, sinusubok lamang tayo kung susuko ka na ba o ipagpapatuloy mo pang lumaban sa buhay.”


Para sa isa pang atleta, malaking bagay umano ang motibasyon mula sa ibang tao, gayundin ang pagpapanatili ng positibong kaisipan. Inihalimbawa ni Michael “Hot n Spicy” Dasmariñas ang karanasan ng mga tulad niyang atleta na binabalewala ng mga kapwa Pinoy ang kanilang pagkatalo, pero todo-suporta at pagbati tuwing may panalo.


Naniniwala siya na magandang motibasyon ang pagkatalo para magtagumpay. Giit niya, “I-reject ‘yung mga negative thoughts at isipin ang mga positive na mga bagay dahil minsan, ang failure ay magandang motivation para bumangon ka. Para sa akin, wala namang naging magaling na hindi nagsimula sa walang alam. Hindi ka magiging successful sa buhay kung hindi mo mararanasan ang pagkatalo. Basta palagi mong isipin na maging positibo at kapag napagod ay magpahinga, tapos laban ulit.”


Nagsisimula sa personal na karakter ang pagkakaisa para kay Charly Suarez na isang Former Olympian & current WBA-Asia Champion. “Example, sa isang team, kailangan ‘yung unity para makaangat o mahigitan ang kalaban at makilala pa ang isang koponan. So, kailangan natin ito at nakadepende ito sa ating personal na karakter at ma-encourage ang bawat isa sa atin na kailangan natin ng pagkakaisa.”


“Kapag sinabi natin kaisa, kasama na r’yan ang pakikisama sa kasama natin sa trabaho, buhay, kapwa atleta at kapag nasira ‘yan — ang relationship n’yo sa bawat isa — naniniwala akong hindi madaling makabangon ang bawat isang mamamayan.


“Dapat ingatan natin ‘yan. Personally ‘yan ang iniingatan ko dahil ‘yun ang kapital ko bilang isang atleta, ang communication sa coach, kasamahan, manager, promoter — ang pagkakaisa namin para mas mapadali pa ang pag-angat ng team.”


Upang mapanatiling malakas ang katawan at malusog ang bawat isa, makikiisa naman si Ma. Cecilia Sevilla na isang Fitness Coach, upang mahikayat ang mga tao na mag-ehersisyo. Aniya, “Makikiisa ako sa pagbangon sa pamamagitan ng pag-engganyo sa mga tao na mag-ehersisyo upang lumakas ang katawan at maging malusog at magampanan nang maayos ang bawat trabaho ng lahat.”


Pagdating sa serbisyo-publiko, pantay na serbisyo sa mga kabarangay ang paraan ni Jowee De Guzman Encabo Jr., Barangay Executive Officer ng Bgy. Doña Aurora, Quezon City, aniya, “Bilang Executive Officer, ako ay nakikiisa sa pagbangon sa pamamagitan ng pagganap nang tapat at pantay na serbisyo-publiko sa aming mga kabarangay. Gumaganap base sa pangangailangan ng aming mga residente nang walang kinikilingan.”


Pagpapatupad ng makabuluhang proyekto ang magagawa ni Nino Rosales Palma, GPTA President, Aurora A. Quezon Elementary School bilang bahagi ng pagkakaisa. Wika niya,“Bilang GPTA President, ako ay nakikiisa sa pagbangon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga makabuluhang proyekto sa paaralan tulad ng aming Taniman sa Paaralan. Isa ito sa maraming proyektong kapaki-pakinabang para sa eskuwelahan at sa kapakanan ng aming mga anak.”


Nais namang simulan ni Jasmin Mae Baysa sa kanyang sarili ang pagbangon. Ayon kay Jasmin na isang Senior High School student mula sa Far Eastern University, “Magiging kaisa ako kung sisimulan ko ito sa aking sarili. Sapagkat paano ka makikiisa kung ikaw mismo ay nananatiling lugmok at walang ginagawa? Kung hindi mo sisimulan, sino? Kung hindi ngayon, kailan?”


Giit pa niya, malawak ang depinisyon ng salitang “pagbangon”. Gayunman, pagkakaisa umano ang kailangan upang magkaintindihan ang bawat isa at harapin ang bawat problemang tinatahak natin. Dagdag pa niya, “Palaging piliin ang ikabubuti, hindi lamang para sa sarili kundi para sa kapakanan ng nakararami.”


Ilan lamang ang mga ito sa mga bagay na kayang gawin ng ating mga kababayan para sa pagbangon ng bansa.


Isa itong patunay na hindi hadlang ang katayuan sa buhay para makatulong sa ikauunlad ng bawat isa, gayundin, ang ating bansa. ‘Ika nga, anuman ang iyong katayuan at industriyang kinabibilangan, kaya mong maging bahagi ng pagkakaisa.


Gayunman, umaasa tayong magiging inspirasyon ang mga pahayag na ito upang maging katuwang ang lahat para sama-sama tayong makabangon. Maliit man o malaki ang iyong ambag, may maitutulong ‘yan sa ating bayan.


Ikaw, ka-BULGAR, paano ka magiging kaisa ng pagkakaisa para sa pagbangon ng bansa?

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page