ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 22, 2021
Nakapagtala ang Russia ng unang kaso ng H5N8 avian flu sa tao at ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakaalerto ang Bureau of Quarantine (BOQ) at Department of Agriculture (DA) upang hindi ito makapasok sa bansa.
Pahayag ni Duque sa Laging Handa briefing, “Ang ating BOQ, nagpaigting na ng kanilang border surveillance at control at ganu’n din ang ating surveillance of animal health na ginagampanan naman ng ating DA.
“Meron pong pakikipag-ugnayan ang dalawang ahensiya na sinisiguro nila na ito po ay hindi makakapasok sa Pilipinas.”
Ipinaalam ng Russia sa World Health Organization noong Sabado ang naitalang transmission ng H5N8 avian flu sa tao matapos itong ma-detect sa 7 manggagawa ng poultry farm sa southern part ng naturang bansa.
Ayon kay Duque, ang sintomas ng H5N8 ay “fever, cough, sore throat, muscle ache or numbness, as well as nausea, abdominal pain, diarrhea, and vomiting.”
Saad pa ni Duque, “Kung meron namang nararanasang alinman sa mga sintomas na ito, magandang magkonsulta sa inyong mga doktor lalo na kung meron po kayong history of recent travel to a part of the world kung saan nagkaroon na ng ulat ng bird flu.”
Comments