ni Ryan Sison - @Boses | September 01, 2021
Booster shots para sa health workers.
Ito ang mungkahi ng isang eksperto kung saan nais nitong rebyuhin ang batas hinggil sa pagbibigay ng booster shots para sa health workers na mas madalas ma-expose sa virus.
Paliwanag ng eksperto, base sa mga datos, ang immunity mula sa COVID-19 vaccines na gawa ng Sinovac Biotech ay nababawasan pagkalipas ng anim na buwan.
Base umano sa kanyang obserbasyon, sa mga ospital na kanyang pinapasukan, may “moderate number” ng health workers na tinamaan ng sakit sa kabila ng pagkakaroon ng full immunity. At kahit mild cases lamang ang mga ito, maaari aniyang maapektuhan ang healthcare services sa bansa.
Dagdag pa nito, bagama’t nabawasan ang severe COVID-19 cases dahil sa bakuna, posibleng hindi ito sapat upang protektahan ang isang tao laban sa symptomatic infection.
Karapat-dapat lang mabigyan ng karagdagang proteksiyon ang ating health workers laban sa virus dahil tulad ng sinabi ng eksperto, posibleng bumagal ang serbisyo sa taumbayan kung patuloy na tatamaan ng sakit ang medical frontliners. Kung mapipilay ang health workforce, paano na ang laban natin sa pandemya?
Lalo pa ngayong nakaamba ang mass resignation ng mga health workers dahil sa naantalang sahod at benepisyo na ipinangako ng gobyerno.
Kulang na nga sa benepisyo, pati pa ba ang proteksiyon kontra virus ay ipagdadamot natin?
Kaya naman, pakiusap sa kinauukulan, ikonsidera ang kaligtasan ng ating frontliners.
Hindi lamang ito para sa kanilang sarili kundi para rin sa ikabubuti ng nakararami.
Isa pa, ngayon ang pagkakataon para makinig at sumunod tayo sa suhestiyon ng mga eksperto. At walang masama kung mag-a-adjust tayo, alang-alang sa ating magigiting na medical frontliners.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments