top of page
Search

Booster shots, marami pa… 40 bilyon, halaga ng mae-expire na bakuna

BULGAR

ni Zel Fernandez | April 20, 2022



Posible umanong umabot sa 40 bilyong piso ang halagang masasayang sa oras na mag-expire ang mga bakuna sa bansa.


Kasabay ng pangambang malapit nang mag-expire ang ilan sa mga bakuna, muling nanawagan ang pamahalaan sa mga mamamayan na magpa-booster shot na bilang pag-iingat mula sa babala ng Department of Health na posible umanong tumaas na naman ang kaso ng COVID-19 sa bansa pagsapit ng Mayo.


Ani Sec. Joey Concepcion, presidential advisor for entrepreneurship, sa kasalukuyan ay mayroong 80 milyong bakuna sa bansa at tinatayang 27 milyon sa mga ito ang mae-expire na pagsapit nang Hunyo at Hulyo ngayong taon.


Giit ni Sec. Concepcion, bagaman ang donated vaccines ng Covax sa ‘Pinas na aabot sa halos 30 milyong piso at maging ang kanilang donasyong bakuna na tinatayang aabot sa 2.5 bilyong piso ay hindi gastos ng gobyerno, posible umanong umabot sa 40 bilyong piso ang masasayang kung hindi magagamit ang mga ito, partikular ang mga booster shots na kakaunti pa rin ang nagpapaturok sa kasalukuyan.


Dagdag pa rito, sakali umanong biglang makapagpasya ang marami na magpabakuna, maaaring maging mahirap na ang pagkuha nito kapag nawalan ng supply dahil nag-expire na ang mga bakunang naka-stock.


Gayundin, dahil aniya sa kasalukuyang sitwasyon sa bansa na halos kakaunti lamang ang nais magpabakuna, posible umanong mag-alinlangan ang susunod na administrasyon na bumili ng mga bakuna sa panghihinayang na baka maulit lamang ang senaryo ng pagka-expire ng mga ito.


Bilang paalala, muli umanong pinapayuhan ang mga hindi pa nakapagpapabakuna na magpaturok na hangga’t mayroon pang supplies at hindi pa expired ang mga bakuna na makatutulong sa paglaban sa nakamamatay na sakit.

0 comments

Recent Posts

See All

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page