ni Lolet Abania | November 9, 2021
Ipinahayag ni Senador Christopher Bong Go na posibleng magkaroon pa ng mga pagbabago sa kanyang planong pulitikal para 2022 national at local elections.
“Itong kandidatura ko bilang bise presidente, ay maaaring magbago. Hindi po maiiwasan na may mga changes po sa pulitika na sabi ko nga na napakadumi,” ang emosyonal na pahayag ni Go sa isang event sa Antipolo City ngayong Martes.
Nabanggit din ng senador ang tungkol sa “problema sa substitution” subalit hindi na siya nagbigay pa ng detalye ukol dito.
“Alam niyo itong problema about the substitution dito sa pulitika, maaaring may magbabago sa tatakbuhang position sa mga darating na araw. Ang problema po diyan, kailangan ko umiwas. Gustuhin ko man magsilbi sa inyo bilang bise presidente dahil sa kagustuhan ng ating mahal na Pangulo, kailangan ko pong umiwas. Malalaman niyo po ‘yan sa mga darating na araw,” sabi pa ni Go.
Ginawa ng senador ang pahayag ngayong araw kasabay ng pagwi-withdraw ni Davao City Mayor Sara Duterte ng certificate of candidacy (COC) para sa reelection bid nito sa 2022 national at local elections, kung saan papalitan naman si Sara ng kanyang kapatid na si incumbent Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte na tatakbo nang mayor.
Para sa 2022 elections, ang substitution period ay hanggang Nobyembre 15, 2021.
Comments