ni Angela Fernando - Trainee @News | December 4, 2023
Kinumpirna ng pamahalaang Bangsamoro na may mga kumalat na mensaheng may banta ng pambobomba nu'ng gabi bago maganap ang mapaminsalang pagsabog sa Dimaporo Gymnasium ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City.
Ayon kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) spokesperson Naguib Sinarimbo, may mga kumakalat nang mga mensahe nu'ng Sabado ngunit hindi nililinaw sa mensahe kung saan ito gagawin.
Aniya, kailangan talaga itong tingnan nang maigi para makita ang tunay na ugat ng pambobombang naganap.
Saad naman ni Sinarimbo, may mga ulat na nagsasabing ang Islamic State ang nasa likod ng pagsabog.
Agaran itong iniimbestigahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasabay ng pagtingin sa posibleng pagkakasangkot ng Dawlah Islamiyah-Maute Group sa atake na ikinasawi ng marami.
"Ang AFP ay nagba-validate ng mga pahayag ng ISIS sa mga kamakailang ulat pati na rin ang pagkakasangkot ng DI-Maute Group sa karumaldumal na gawang terorismo na ito," ani Colonel Xerxes Trinidad, pinuno ng tanggapan ng public affairs ng AFP.
Nagpahayag ang mga otoridad na nakilala na ang higit sa dalawang "persons of interest" sa likod ng pagsabog bukod sa dalawang grupong nabanggit.
“Meron kaming persons of interest and one of our persons of interest pointed on 'yung local terrorist,” ayon kay Bangsamoro Police Regional Office chief Police Brigadier General Allan Nobleza.
Dagdag ni Nobleza, kasalukuyan pang iniimbestigahan ang mga persons of interest at tumangging pangalanan ang mga ito upang hindi makaapekto sa imbestigasyon.
Comments