ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 14, 2024
Pasugod sa opensa si San Miguel Beermen point guard CJ Perez habang mahigpit naman sa depensa ang katunggaling si Kuan Ta-you ng Taoyuan Pauian Pilots sa kanilang mahigpit na tagisan sa East Asia Super League 2024-25 Season na ginanap sa PhilSports Arena, Pasig City. (Reymundo Nillama)
Nagpakilala ng husto ang bagong import Akil Mitchell at ipinanalo niya ang Meralco Bolts laban sa bisitang Busan KCC Egis ng Timog Korea, 81-80, sa pagbabalik ng East Asian Super League (EASL) sa Philsports Arena Miyerkules ng gabi.
Ang resulta ay nagbawas ng pait ng talo ng San Miguel Beer sa isa pang bisita Taoyuan Pauian Pilots ng Chinese-Taipei, 101-85. Kahit kontrolado ng Busan, hindi sumuko ang Bolts at matiyagang humabol hanggang itinabla ng three-points ni Bong Quinto ang laro, 80-80.
Napigil ng Meralco ang sumunod na opensiba at nakakuha ng foul si Miller kay Leon Williams. Ipinasok ni Miller ang pang-lamang na free throw na may 6.4 segundo sa orasan at minintis ang pangalawa.
Nakuha ng Egis ang bola subalit hindi pumasok ang huling madaliang tira. Halimaw ang numero ni Mitchell na 33 at 22 rebound at umakyat ang Meralco sa 2-1.
Namuno sa Egis si Deonte Bruton na may 26 subalit hindi na naglaro sa huling apat na minuto bunga ng kanyang ika-lima at huling foul.
Hinila pababa ang Beermen ng kanilang malamyang pangalawang quarter at 13 puntos lang ang naitala upang lumayo ang Pilots sa halftime, 57-33. Nabahiran ang laro ng away sa huling quarter na nagbunga sa pagpapalabas kay Jericho Cruz na may 6:32 nalalabi at lamang ang Taoyuan, 86-68.
Nanguna sa Pilots si Alec Brown, ang mismong nakasagupa ni Cruz, na may 27 puntos. Gumawa ng 32 para sa San Miguel si Quincy Miller at kinapos siya ng tulong ng mga kakampi para bumagsak sa 0-2.
Maghaharap muli ang Bolts at Busan sa Disyembre 18 sa Timog Korea. Lalakbay din ang Beermen sa araw na iyon upang dalawin ang Eastern sa Hong Kong.
Comments