ni Mary Gutierrez Almirañez | May 10, 2021
Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) sa paggamit ng body camera sa lahat ng police operations, kung saan hinihintay na lamang ang ilang ipatutupad na protocols upang maiwasan ang legal technicalities, ayon kay bagong PNP Chief General Guillermo Eleazar ngayong Lunes, May 10.
Aniya, "With the guidance of the Supreme Court, with their protocol na ilalabas, maaaring at least du’n sa mga implementation at service of search warrant doon sa mga lugar na meron nang body cameras ay puwede na itong ilunsad."
Dagdag pa niya, "Na-distribute na itong almost 3,000 [body cameras] du’n sa 117 lang na city police stations, itong more than 1,000 municipal police stations, wala pa rin po pero inaasahan natin na darating 'yan."
Matatandaang ipatutupad sa PNP ang paggamit ng body camera upang may magsilbing recording o footage sa bawat operasyon at upang malaman kung umano’y nagkakaroon sa kanila ng pang-aabuso sa kapangyarihan.
Kampante naman si Eleazar na magiging matagumpay ang pagpapatupad ng body camera sa ilalim ng kanyang termino at labis niya iyong ipinagpapasalamat.
Comments