top of page
Search
BULGAR

Blended learning, kaya pa ba next year?

ni Ryan Sison - @Boses | July 17, 2021



Sa pagtatapos ng school year 2020-2021 sa ilalim ng distance learning setup kamakailan, naniniwala ang Department of Education (DepEd) na hindi nasayang ang taon para sa mga mag-aaral.


Kasabay nito, nagpasalamat ang ahensiya sa mga magulang, guro at mag-aaral sa kanilang pagsisikap upang maitaguyod ang distance learning.


Gayunman, lumabas sa online survey ng Movement for Safe, Equitable, Quality and Relevant Education (SEQuRE) na maraming estudyante ang hindi nakapag-aaral nang tama sa ilalim ng distance learning


Base sa survey, 86.7% ng mga mag-aaral sa ilalim ng modular learning, 66% sa ilalim ng online learning at 74% sa blended learning ang nagsabing hindi sila natututo sa alternative modes ng pagtuturo kumpara sa face-to-face setup bago ang pandemya. Habang 5.4% lamang sa mag-aaral ng blended learning at 9.1% sa online learning ang nagsabing sila ay mas natuto.


Nasa 24.8% ng mag-aaral sa ilalim ng online learning, 20.7 % sa blended learning at 7.6% sa ilalim ng modular learning ang naniniwalang mas maraming natutunan kumpara sa normal na pag-aaral bago ang pandemya.


Bagama’t naniniwala ang DepEd na naging matagumpay ang nagdaang school year, hindi maitatangging maraming naging problema, lalo na sa simula ng taon.


Nariyan ang aberya sa online class, sablay na modules at mga estudyanteng hirap sumabay sa mga pagbabago. Matatandaang sa kalagitnaan pa lamang ng school year, suko na ang ilang mag-aaral dahil hirap talaga.


Gayunman, magsisimula na sa Setyembre 13, 2021 ang school year 2021-2022 matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang petsang inirekomenda ng DepEd.


Kaya ang tanong, handa na ba ang lahat sa panibagong taon ng distance learning?


Samantala, hangad nating mas madali nang masolusyunan ang mga nagdaang problema at mas maging epektibo ang mga paraang ito upang mas matuto ang maraming mag-aaral.


Tandaan na ang layunin ng pagsusulong ng distance learning ay patuloy na mabigyan ng edukasyon ang kabataan sa gitna ng pandemya.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page