ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Abril 4, 2024
Blended learning muna. ‘Yan ang hinihimok ng inyong lingkod na ipatupad sa mga paaralan sa gitna ng pangamba ng mga magulang sa banta ng pagkalat ng pertussis o whooping cough at tumitinding init ng panahon.
May anim na lokal na pamahalaan sa Western Visayas ang nauna nang nagsuspinde ng klase noong Lunes dahil sa init ng panahon. Noong Abril 1 hanggang Abril 2 ay wala ring klase sa Iloilo City mula pre-school hanggang senior high school. Kasunod nito, kanya-kanya nang diskarte ang mga local government units at mga eskwelahan pagdating sa pasok ng mga bata. Mayroong nag-shift sa modular mode of instruction. Mayroon din namang iniksian na lang ang oras ng pasukan at nagsuspinde na ng face-to-face classes sa hapon dahil sa tindi ng init.
Iniulat na noon ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services (PAGASA) na kahit mas kaunti ang mga maulang araw at kanselasyon ng klase dahil sa bagyo sa ilalim ng kasalukuyang school calendar, mas marami naman ang mga araw na tumatama sa matinding init. Kaya ugaliing uminom palagi ng tubig.
Samantala, nagdeklara naman ng pertussis outbreak sa Quezon City at Iloilo City habang nasa ilalim ng state of calamity ang Cavite dahil sa naturang sakit. Iniulat ng Department of Health (DOH) noong Marso 27 na umabot na sa 40 ang namatay dahil sa pertussis mula noong Enero 1 hanggang Marso 16.
Wala tayong kailangang ikabahala dahil nakasaad naman sa Department of Education (DepEd) Order No. 037 s. 2022 ang pahintulot sa mga punong-guro ng mga private at public school na maaaring magsagawa ng modular distance learning, performance tasks, o make-up classes kung magkakansela o magsususpinde ng klase. Mahalaga ito upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon ng mga mag-aaral.
Isinulong na rin noon ng inyong lingkod ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar. Noong nagdaang buwan ay inurong na ng DepEd ang pagtatapos ng School Year 2023-2024 sa Mayo 31 mula Hunyo 14. Ito ang resulta ng naging konsultasyon sa stakeholders, kabilang ang mga guro at mga mag-aaral.
Nananawagan tayo sa lahat ng mga paaralan na magpatupad ng mga hakbang para sa kalusugan at kaligtasan ng mga kabataan, kabilang ang pagsulong ng maayos na respiratory hygiene at regular na paghuhugas ng kamay. Aralin natin ang mga paraan para masugpo ang pagkalat ng sakit at impeksyon dulot ng maruming kamay. Base sa Global Handwashing Partnership, ang pinakamahalagang oras na kailangang maghugas ng kamay ay pagkatapos dumumi at bago humawak ng pagkain o kutsara at tinidor.
Bukod dito, kabilang sa ilang rekomendasyon ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang paghuhugas ng kamay pagkatapos suminga, umubo at bumahing.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, nais nating ipaalala sa ating mga punong-guro na isaalang-alang ang kaligtasan at bigyang prayoridad ang kalusugan ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng blended learning, hindi masasayang ang oportunidad na makapag-aral ang mga bata sa kabila ng mga sakuna o anumang balakid.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments