top of page
Search
BULGAR

'Black Tiger,' umakyat sa 10th ang world ranking

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | September 26, 2021




Muling kinilala ng World Pool Billiards Association (WPA) ang galing ni Pinoy billiards star “Black Tiger” Carlo Biado matapos siyang iakyat mula sa pangsampung baitang papunta sa pangatlong posisyon sa pandaigdigang rankings.

Base sa pinakahuling talaan ng WPA, may nakadikit sa pangalan ni Biado na 20,625 puntos kaya niya nalundagan ang pitong iba pang manunumbok na dati ay nakakaangat sa kanya. Malaking bagay rito ang paggawa niya ng kasaysayan matapos magwagi sa U.S. Open sa Atlantic City.


Sa naturang kompetisyon, nakakolekta ang dating World 9-Ball king at dating World Games gold medalist ng 7,875 puntos. Nakahagip din siya ng 3,000 puntos matapos makapasok sa quarterfinals ng World 10-Ball Championships sa Nevada.

Itinuturing pa ring pinakamalupit na cue artist sa buong mundo si Shane Van Boening ng U.S.A. dahil sa kanyang 29,177 puntos na kartada habang malayong segunda ang Kastilang si David Alcaide Bermudez (20,628.5 puntos). Dalawang Asyano ang nakabuntot kina Boening, Bermudez at Biado. Ito ay sina Naoyuki Oi ng Japan (20,467 puntos) at Singaporean Aloysius Yapp (20,316 puntos). Si Bermudez ang tinapakan ni Biado sa round-of-16 habang si Yapp ang dinaig niya sa championship round ng U.S. Open sa pamamagitan ng isang impresibong 10-0 finishing kick.

Ang natitirang 5 upuan sa top 10 ay inangkin ng mga Europeans: 6. Jayson Shaw (Scotland, 19,915), 7. Maximillian Lechner (Austria, 19,637 puntos), 8. Joshua Filler (Germany, 19,115), 9. Fedor Gorst (Russia, 17,312 puntos) at 10. Albin Ouschan (Austria, 17, 190 puntos).

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page