ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | July 31, 2024
Dear Sister Isabel,
Isang mapagpalang araw sa inyong lahat d’yan sa Bulgar. Sisimulan ko ang kuwento ng buhay at pag-ibig ko noong ako’y nasa abroad pa.
Napilitan akong tanggapin ang trabaho sa Korea kahit ang status ko ay TNT o tago nang tago, dahil kailangan kong magkaroon ng trabaho na by hook or by crook.
Namatay ang aking asawa dahil sa pagkalunod. May 3 kaming anak na pawang maliliit pa. Kaya nang alukin ako ng bestfriend ko na magtrabaho sa Korea, agad ko itong tinanggap kahit alam kong hindi legal ang aking entry, at ang isa ko pang problema ay panlalaki ang magiging trabaho ko.
Sa madaling salita, natuloy ako sa Korea kasama ang iba pang mga kalalakihan. Ako lang ang nag-iisang babae sa grupo namin na umalis galing ‘Pinas.
Pagdating sa Korea, may trabaho naman na nakalaan sa amin. Ang masaklap lang, nagawa akong gahasain ng kapwa ko Pilipino. Nagkataon pa na nagbigay ng amnesty sa mga illegal worker sa Korea, kaya sinamantala ko ito, at umuwi agad ako sa ‘Pinas kahit wala akong ipon.
Nagulat ang magulang ko sa biglaang pag-uwi ko, pero hindi ko pa rin sinabi sa kanila ang tunay na dahilan. Gayunman hindi naman nila ako pinilit na sabihin kung bakit umuwi agad ako.
Lalong nadagdagan ang problema ko nang malaman kong nabuntis pala ako ng lalaking nang-rape sa akin, at hindi ko alam ang gagawin.
Kaya narito ako para sumangguni sa inyo. Gulung-gulo na isip ko, at ‘di ko na alam ang susunod kong hakbang. Nawa’y matulungan n’yo ako. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Gloria ng San Ildefonso, Bulacan
Sa iyo, Gloria,
Nakikisimpatya ako sa sinapit mo. Sa aking palagay, ang dapat mong gawin ay ipagtapat sa iyong magulang ang nangyari sa iyo sa abroad. Unang-una, sila ang iyong magulang na handang damayan ka sa lahat ng sandali. Sabihin mo muna ito sa iyong ina, at itaon mong nasa magandang mood siya. Naniniwala akong uunawain at gagawa niya ito ng paraan para mailagay sa ayos ang sinapit mo. Walang magulang na ‘di nakakatiis sa kanyang anak. Palagi silang handang umunawa, at siya na ang hayaan mong magsabi sa iyong ama.
Sa awa at tulong ng Diyos, makakaraos ka rin sa problemang sinasapit mo ngayon. Marahil sa takdang panahon, Diyos na rin ang gagawa ng paraan para sabihin sa ama ng bata ang nangyari. Panindigan mo ang pagpapalaki sa magiging anak n’yo, dahil tiyak na tutulungan ka ng Diyos. ‘Di ka niya pababayaan sapagkat ang dinadala mo sa iyong sinapupunan ay anak ng Diyos.
Ugaliin mong magdasal, dahil malalampasan mo rin ang pangyayaring naganap sa buhay mo. Lahat ng problema ay may kalutasan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments