ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 5, 2023
Inaalala natin ngayong linggo ang buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Panahon din ito para magkaroon tayo ng repleksyon sa Kanyang mga aral na iniwan sa atin, at sa ating mga sariling kalooban ay humihingi ng kapatawaran sa ating mga nagawang kasalanan. Lumalahok din tayo sa iba’t ibang tradisyong kaakibat ng Semana Santa gaya ng pabasa ng Pasyon, pagbisita sa mga simbahan, pagdarasal, at pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin.
Dahil naman sa mahabang bakasyon, nagkakaroon tayo ng oras para makapiling ang ating mga mahal sa buhay. Magandang pagkakataon din ito para magkaroon tayo ng pansamantalang panahon para makapagpahinga sa ating mga gawain at ma-recharge ang ating mga katawan at isipan.
Isama natin sa ating mga panalangin na sana ay magtuluy-tuloy na ang pagganda ng ating ekonomiya at tuluyan na tayong makabalik sa normal. Ipagdasal din natin na maging ligtas ang ating bansa sa mga mapaminsalang kalamidad at sakuna, at patuloy na umiral ang pagbabayanihan, pagkakaisa at pagmamalasakit sa kapwa Pilipino.
Anuman ang inyong aktibidad ngayong Holy Week, umaasa ako na maging ligtas kayong lahat at ingatan ang inyong mga kalusugan. Napakainit ng panahon, kaya tiyakin na lagi kayong hydrated at huwag magbababad sa ilalim ng araw sa mga oras na napakatindi ng init. Umaasa ako na sa ating pagbabalik sa ating mga gawain sa mga susunod na linggo, taglay natin ang panibagong sigla sa pisikal at espiritwal nating kalagayan.
Samantala, sa pagsisimula ng Semana Santa ay tinutukan pa rin natin ang ating mga gawain bilang lingkod bayan.
Noong Abril 1, biyaheng Bayombong, Nueva Vizcaya tayo para daluhan ang 32nd Annual General Assembly ng Tam-an Banaue Multipurpose Cooperative. Ang Tam-an BMPC ay isang malaking kooperatiba na tumutulong sa kabuhayan ng mga residente sa kanilang komunidad. Sa aking mensahe, ipinaabot ko sa mga opisyal at miyembro ng kooperatiba na malaki ang kanilang papel na ginagampanan sa pagpapaangat ng buhay ng ating mga kababayan at pagtugon sa mga problema ng kahirapan sa ating bansa.
Ibinahagi ko rin sa kanila ang mga programa at batas na naisulong natin sa Senado para mas mapalakas pa ang mga kooperatiba. Isa rito ang Republic Act No. 11535, na co-author ako, at nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 27, 2021.
Itinatakda ng nasabing batas ang pagtatalaga ng cooperative development officers sa bawat munisipyo, lungsod at probinsya para mas mapalakas ang kapasidad ng mga kooperatiba at masuportahan ang kanilang patuloy na pag-unlad.
Nagpapasalamat naman ako sa Tuwali Tribe na idineklara tayo bilang honorary son ng kanilang tribo, at kinilala bilang “Aliguyon” na ang ibig sabihin ay dakila at mapagkalingang lider. Ito rin ang pangalan ng kanilang Ifugao hero sa epikong “Hudhod ni Aliguyon” na isang magiting na mandirigma at pinuno ng Hannanga. Bahagi ng pagkilala sa atin, pinagsuot tayo ng kanilang tribal garments gaya ng scarf, sash, belt, headpiece, spear at itak.
Nagsagawa rin tayo ng monitoring visit sa Malasakit Center na nasa Region 2 Trauma and Medical Center. Namahagi tayo ng personal na tulong sa 234 in-patients at sa 1,494 frontliners kabilang na ang mga security guards, utility workers, at hospital staff. May dagdag namang hiwalay na pinansyal na tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga kuwalipikadong pasyente ru’n.
Matapos ito ay pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong sa 500 magsasaka ng Bayombong na lubos na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa hagupit ng Bagyong Paeng. Ang DSWD ay may hiwalay ding tulong para sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.
Hindi rin natin kinaligtaang alalayan ang ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis.
Nabigyan ng aking tanggapan ng ayuda ang 119 mahihirap na residente ng Sto. Domingo, Nueva Ecija; at 43 pa sa Arayat, Pampanga. Nagkaloob din tayo ng tulong sa 60 out-patients ng Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan.
Inalalayan din natin ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa—kabilang ang 74 biktima sa Bgy. Merville, Parañaque City; 63 sa Barobo, Surigao del Sur; dalawa sa Cotabato City; isa sa Kidapawan City; isa sa Carmen, at 12 sa Antipas, Cotabato province; at tig-iisang pamilya mula sa Tacurong City, Esperanza at Lambayong sa Sultan Kudarat.
Ngayong Holy Week, ang personal ko namang panalangin ay ang magkaroon pa tayo ng sapat na lakas at kakayahan na maipagpatuloy ang pagmamalasakit at pagseserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya at kapasidad. Ito ang aking paraan ng paglilingkod sa Diyos dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Umaasa rin ako na sa ating magiging pagninilay ngayong Semana Santa, bigyan sana tayong lahat ng oportunidad na maisagawa ang isa sa dakilang aral ng Panginoong Hesu-Kristo—ang mahalin at magmalasakit sa ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments