top of page
Search
BULGAR

Biyaya ng langit ang aking mga anak

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Oct. 22, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Hindi pa humuhupa ang kaligayahang nararamdaman ng aming buong pamilya dahil sa pagkakapasa ng aking anak sa Bar exam noong nakaraang taon at ngayon ay biniyayaan na naman kami ng isa pang buwenas dahil pumasa naman sa board exam ang isa ko pang anak na ngayon ay ganap nang doktora.


Umagos ang luha ng kaligayahan sa buo naming pamilya matapos ibalita sa amin ng aking anak na si Loudette Bautista na pumasa siya sa 2024 Physician Licensure Examination o ang tinatawag na board exam para sa mga doktor ng medisina.


Bilang ama ay proud na proud ako at ang aking maybahay na si Cong. Lani Mercado-Revilla kaya kahit hatinggabi na lumabas ang resulta ng exam ay agad akong nag-post sa Facebook at tuwang-tuwa rin ang marami naming kamag-anak, mga kaibigan, at tagasuporta. 


Si Dra. Loudette ay nagtapos ng pre-med sa Ateneo de Manila University at ng medisina sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERMMMC).


Pinatunayan niyang kaya niyang abutin ang pangarap, hindi lang para sa sarili kundi para sa kanyang pamilya at sa mga taong kanyang mapaglilingkuran bilang doktor.

Congratulations sa aming Doktora Loudette! Certified doctor ka na, anak! You bring pride, joy, and honor to the whole family! Salamat sa pagtupad ng pangarap ni daddy na magkaroon ng doktor sa pamilya. Thank you God talaga!


Hindi lang isang malaking karangalan at saya ang dulot nito sa pamilya Revilla, lalo na’t siya ang kauna-unahang doktor sa aming pamilya.


Kaya sa’yo anak, mabuhay ka! You are now licensed to heal, at marami ang natutuwa at umaasa sa iyong mga susunod na tagumpay. Tiyak na maraming kababayan natin ang matutulungan mo.


Marami rin ang bumabati sa akin dahil sa sunud-sunod umano ang buwenas na dumarating sa akin. Sa tingin ko ganyan lang naman ang buhay sa mundo — minsan na rin namang sunud-sunod na dagok ang dumating sa buhay ko ng wala akong kinalaman at marahil ay binabalanse lamang ng langit ang lahat.


Basta’t ang mahalaga ay ipagpatuloy lamang natin ang mabuting gawa — hindi lang naman sa akin nangyayari ang ganito. Kahit kanino ay puwedeng mangyari ang pagdating ng mga blessings – wala namang sikreto dito kundi ang gumawa lamang ng mabuti  ang bawat isa at tiyak na may biyayang kapalit – siksik, liglig at umaapaw.


Walang bayad ang paggawa ng mabuti ngunit palagi itong may sukli – kaya ito lagi ang itinuturo ko sa aking mga anak — dahil kahit kailan hindi magbubunga ng masama ang paggawa ng mabuti.


Higit sa lahat ay huwag tayong makakalimot sa itaas para may gumagabay sa atin.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page