top of page
Search
  • BULGAR

Biyaya ng buhay, biyaya ng mabuting ina

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 7, 2024



Fr. Robert Reyes

Taong 1970 nang pumasok ako ng San Jose Minor Seminary sa Novaliches, Quezon City. Batang-bata pa kaming mga magkakaeskwela, na mga hamak na 15-anyos lahat. Karamiha’y may gatas pa sa labi at inosente sa maraming bagay. 


Totoong inosente dahil nang mga panahong iyon, medyo malinis at payak pa ang kapaligiran. Iisa pa lang ang kilalang mall noon, Ali Mall ang pangalan dahil sa makasaysayang laban nina Frazier at Ali na ginanap sa Cubao. 


At dahil nasa seminaryo pa tayo noon, Sabado at Linggo lamang kami nakakalabas para umuwi sa aming mga magulang at kapatid. Naalala ko pa ang pinakaunang pelikulang pinanood naming magkakaeskwela, palabas noon ang “Romeo and Juliet.” Tanda ko pa ang debate sa loob ng seminaryo sa pagitan ng dalawang paring Hesuwita. Sabi ng isa,


“Hindi bagay sa mga batang seminarista ang ‘Romeo and Juliet’, napakaraming mga kissing scenes. Hindi makakatulong sa mga batang seminarista.” 


Ngunit, ang sabi naman ng guro namin sa Film Appreciation, “Huwag kayong maingay. Walang magsusumbong. Manonood tayo dahil class requirement ang panoorin ang ‘Romeo and Juliet’. Kailangan ninyong magsulat ng film review pagkapanood ninyo ng pelikula. At totoo namang napakaraming kissing scenes ang pelikula pero okey lang dahil maganda si Olivia Hussey. At normal naman sa mga batang lalaki ang humanga sa magandang babae lalo na kung sing ganda ni Olivia Hussey.” 


Natapos ang pelikula at kanyang-kanyang uwi kami sa aming mga pamilya. Pagbalik sa seminaryo sa hapon ng sumunod na araw, sinimulan agad namin ang pagsulat ng film review ng ‘Romeo and Juliet’.


Mabilis natapos ang unang taon namin sa seminaryo. Noong mga sumunod na taon ang aming ikaapat na taon o fourth year ng hayskul, dumating si Lorenzo Reyes, isang mag-aaral na galing sa Ateneo de Manila. Apo siya ng kilalang guro ng kasaysayan na si Nicolas Zafra, asawa ni Luz Alzona at anak nina Bert at Fely Reyes. 


Masayahin at may pagka-Inglisero si Lorie. Ano pa ang maaasahan mo sa isang Atenista, ngunit, mabait siya at madalas niya kaming yayain sa kanilang bahay sa Quezon Boulevard para kumain, magpalipas ng ilang oras bago umuwi sa aming mga bahay. Doon ko nakilala nang husto sina Lola Luz at Lolo Nicolas. Nasa Quezon Boulevard pa ang kanilang bahay nang mga panahong iyon. Nakilala rin namin sina Bert at Fely Reyes, na ama at ina ni Lorie. 


Malaki ang utang na loob namin kay Lorie dahil tuwing dinadala niya kami sa kanilang bahay sa Quezon Blvd., laging merong kakaiba at espesyal na meryenda na galing sa kitchen sa loob ng bahay at sa dirty kitchen.


Tuwing nagpupunta kami sa bahay ng mga Reyes, alagang-alaga kami nina Lola Luz at Tita Fely. Hindi masyadong nagsasalita si Prof. Nicolas Zafra, asawa ni Lola Luz at propesor ng kasaysayan sa UP Diliman. Ilang taon pa ang lumipas, pumanaw ang propesor at naging biyuda si Lola Luz. 


Madalas kong dalawin si Lola Luz sa kanilang bahay sa Quezon Blvd. hanggang sa kinailangang lumipat siya at ang kanyang pamilya sa kalye Bagobo sa La Vista, Subdivision. 


Lagi kong binibisita si Lola Luz at ang pamilya ni Tita Fely. Tuluy-tuloy ito hanggang nagdiwang si Lola Luz ng kanyang ika-100, 101, 102, 103, 104 at kulang na lang ng dalawang buwan (10 buwan) ay nag-105 kaarawan na sana siya. 


Taun-taon mula nang mag-ika-100 kaarawan ay mapalad ako dahil lagi akong naiimbitahan ng pamilya Zafra-Reyes para makiisa sa pagdiriwang ng birthday ni Lola Luz. Laging imbitado ang kaibigan nilang Obispo Frederico Escaler Sj. Hinihintay na namin ang ika-105 kaarawan ni Lola Luz, ngunit namatay siya dalawang buwan bago ang kanyang kaarawan.


Mula noon, si Tita Fely ang naiwanan at taun-taon tuwing ika-5 ng Setyembre ay ipinagdiriwang ng pamilya ang kanyang kaarawan. Pinagmisa ko si Tita Fely na ang tawag sa akin ay ‘Number 12’ dahil 11 ang kanyang anak kay Tito Bert pero dahil sa aking pagiging malapit sa kanila at Reyes din ang aking apelyido, itinuring na rin niya akong anak. 


Pagkatapos ng misa para kay Tita Fely binigyan niya ako ng kanyang libro, “Homes of Memory.” Puno ng masasaya at makabuluhang kuwento ang libro. Tungkol ito sa iba’t ibang tahanan ng pamilya Reyes mula sa panahon bago maggiyera (WW II) hanggang sa kasalukuyan. Mahusay magsulat si Tita Fely na marapat ko ring tawaging Nanay Fely. Sinimulan ko nang silipin at sulyapan ang mga pahina ng kanyang libro. Isa lang ang napagtanto at masasabi ko, salamat at mabuhay kayo sa inyong magandang pagtanda!



0 comments

Comments

Couldn’t Load Comments
It looks like there was a technical problem. Try reconnecting or refreshing the page.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page