ni Mary Gutierrez Almirañez | April 24, 2021
Isinailalim sa 3-day lockdown ang ilang bahagi ng Western Australia dahil sa mabilis na community transmission ng COVID-19, kung saan ang itinuturong carrier ay isang biyahero na unang nagnegatibo sa virus ngunit kalauna’y nagpositibo matapos makalabas sa Perth quarantine hotel, ayon kay Australian Medical Association (AMA) President Omar Khorshid ngayong araw, Abril 24.
Aniya, "Everything that can be done in hotel quarantine needs to be done right now and, unfortunately, in Western Australia as in some other states, that is not the case."
Kabilang ang Australia sa mga bansang may mabababang kaso ng COVID-19, kung saan lumabas sa datos na halos 29,500 ang lahat ng nagpositibo at tinatayang 910 ang mga pumanaw mula nang magka-pandemya.
Sa ngayon ay tanging mga essential workers at medical frontliners lamang ang pinapayagang makalabas ng bahay. Nauna nang kinansela ang taunang selebrasyon ng Anzac Day na nakatakda sanang ipagdiwang bukas.
Na-postpone rin maging ang inaabangang A-League soccer match sa pagitan ng Brisbane Roar FC at Perth Glory.
Samantala, tuloy naman ang Australian football game sa pagitan ng Fremantle at North Melbourne, subalit ipinagbawal ang live audience.
Ngayon ang unang araw ng 3-day lockdown sa Western Australia at inaasahang makatutulong ang lockdown upang maiwasan ang mabilis na hawahan ng virus.
Comments