ni Mylene Alfonso | May 15, 2023
Patay ang isang indibidwal habang dalawa pa ang nawawala kung saan naapektuhan din ang biyahe ng Light Rail Transit Line 2 sa naganap na sunog kahapon ng madaling-araw sa Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila.
Habang isinusulat ang balitang ito, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng nasawi sa sunog, gayundin ng mga nawawalang biktima.
Nasa 1,200 pamilya ang nawalan ng bahay sa sunog, na sinasabing nagsimula umano sa isang paupahang gusali na pagmamay-ari ng isang Joker Flores at inookupa ng isang Balong Flores.
Nabatid na umabot sa ikalimang alarma ang sunog, na tumupok sa tinatayang 400 bahay bago naideklarang under control alas-6:43 ng umaga at tuluyang naapula alas-12:04 ng tanghali.
Tinatayang nasa P1.5 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.
Kaugnay nito, dahil malapit ang sunog sa Recto Station ng LRT-2 naapektuhan din nito ang biyahe ng mga tren ng LRT-2.
Ayon sa abiso ng Light Rail Transit Authority (LRTA), alas-5 ng madaling-araw nang ipatupad ang provisionary service mula Antipolo Station hanggang V. Mapa Station sa Maynila.
Sinabi ng LRTA na napilitan silang magpatupad ng limitadong operasyon dahil naapektuhan ng sunog ang power supply at signaling systems sa Recto Station.
Tumagal ang limitadong train operations hanggang alas-10:56 ng umaga, upang matiyak ang kaligtasan ng riding public.
Dakong 10:57 ng umaga ay pinalawak na ng LRT-2 ang kanilang operasyon mula Antipolo Station hanggang Legarda Station at vice-versa.
Nabatid na napinsala din ng sunog ang elevated connecting bridge, na nagsisilbing link o transfer of passengers mula LRT-2 Recto Station sa LRT-1 Doroteo Jose Station at sa kasalukuyan ay hindi pa maaaring daanan.
Yorumlar