top of page
Search
BULGAR

Bitoon at Buto, umangat sa UAE at Rizal Chess

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | January 11, 2022




Kinoronahan ni Jerson Bitoon ang sarili bilang hari ng ahedres sa isang bakbakan sa United Arab Emirates samantalang patuloy ang pagpapakita ng paslit na si Al-Basher Buto ng kanyang angas bilang isang mandirigma ng kinabukasan matapos manguna sa isang torneo sa Rizal.

Walang mantsang nakita sa mga sulong ni Bitoon (rating: 1837) kaya pagkatapos ng anim na yugto ay may kartadang 6-0-0 panalo-talo-tabla na siya para sa matagumpay na pag-akyat sa trono ng JBR Social Chess Tournament sa Dubai. Sinagasaan ng pre-tournament favorite na Pinoy sina(Pilipinas, round 1), Oliver Pointinger (Austria, round 2)), Kingshuk Debnat (India, round 3), Raghav Shetty (India, round 4), Khush Mehta (India, round 5) at Agustin Manresa (Spain) nung huling yugto para maselyuhan ang korona.

Nakuntento sa pagiging segunda sa likod ng kampeon si Indian chess warrior Debnath (rating: 1836) nang makaipon siya ng limang puntos (5-1-0) habang nahablot ni Shetty (rating: 1592) ang huling upuan sa podium bitbit ang apat na puntos (4-2-0). Nakasunod sa kanila ang kapwa Pinoy na si Kindipan at si Austrian Pointinger.

Sa kabilang dako, kumulekta si Buto, 12-taong-gulang, ng halos perpektong 5.5 puntos mula sa anim na salang board tungo sa pagkuha ng titulo sa Goldland Chess Tournament sa Cainta. Ang limang mga panalo at isang tabla ay nasaksihan sa face-to-face na paligsahang nilapatan ng 15-minuto, 1-segundong tuntunin ay nagsilbing magandang regalo sa birthday boy na kampeon.

Malayong pangalawa si Reynante Gacal (4.5 puntos) samantalang nagsosyo sa pangatlong baitang ang quartet nina Christian Alcira, Joey Lapurga, Ruden Cruz at Rohanisa Buto dahil sa rekord nilang tig-aapat na puntos. Bumuntot naman sa kanila si Richard Haiden Alarma (3.5 puntos).

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page