ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 29, 2024
Dear Chief Acosta,
Nais ko sanang bigyan ng bahay at lote ang aking pamangkin. Ireregalo ko ito sa kanya dahil nangibabaw siya sa kanilang medical board exam at malaking karangalan ang naidulot nito sa aming pamilya. Paano magiging legal at may bisa ang donasyon ko sa kanya?
- Conchita
Dear Conchita,
Ang donasyon ng lupa ay napapaloob sa Article 749 ng New Civil Code of the Philippines, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“Art. 749. In order that the donation of an immovable may be valid, it must be made in a public document, specifying therein the property donated and the value of the charges which the donee must satisfy.
The acceptance may be made in the same deed of donation or in a separate public document, but it shall not take effect unless it is done during the lifetime of the donor.
If the acceptance is made in a separate instrument, the donor shall be notified thereof in an authentic form, and this step shall be noted in both instruments.”
Ayon sa batas, upang magkaroon ng bisa ang isang donasyon ng bahay at lupa, kinakailangan na ilagay ito sa isang dokumento at dapat ito ay notaryado. Ito ay iba sa mga karaniwang kontrata na may bisa pa rin kahit na hindi notaryado. Mahigpit ang batas sa ganitong uri ng donasyon sapagkat ito ay nagbibigay ng karapatan sa isang bahay at lupa nang walang anumang konsiderasyon o bayad.
Sa katunayan, maging ang pagtanggap sa ganitong donasyon ay kinakailangan din na notaryado upang maging may bisa at dapat magawa habang nabubuhay pa ang nagbigay ng donasyon dahil kailangan itong ipaalam sa kanya. Hangga’t hindi pa tinatanggap ang ganitong donasyon sa nabanggit na paraan at hindi pa ito pinapaalam sa nagbigay ng donasyon ay wala pa itong bisa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments