top of page
Search

Birth date at guhit ng mga palad, dapat tugma para sure na yumaman

BULGAR

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 31, 2022




KATANUNGAN


  1. Maestro, sabi n’yo, ang mga Taong Singko (5) at Taong Otso (8) o silang mga isinilang sa petsang 5 at 8 ay yumayaman. Pero bakit hanggang ngayon, sa edad kong 51 ay hindi pa rin ako mayaman, gayung 5 ang aking birth date at 8 naman ang destiny number ko?

  2. Sa palagay n’yo, makakaahon pa ba ako sa kahirapan at kailan ako uunlad at yayaman?

KASAGUTAN


  1. Yayaman ka rin, Richard, basta ang mahalaga ay maghintay ka lang at huwag kang maiinip. Gayunman, kahit sabihin na Taong Singko o Otso ka, kung hindi naman tumutugon ang Head Line (Drawing A. at B. H-H) sa iyong kapalaran, malabo pa ring yumaman ang isang indibidwal. Ibig sabihin, kailangang magkatugma ang guhit ng mga palad at numero, birth date o destiny number upang matiyak na ang isang tao ay yayaman.

  2. Sapagkat ang pag-aanalisa sa Numerology, gayundin sa Astrology, dapat itong makumpirma mula naman sa guhit ng palad upang ang nasabing pag-aanalisa ay maitala na 100% na eksakto o tamang-tama, lalo na kung tungkol sa pagyaman ang usapan.

  3. Sa kaso mo, Richard, kapansin-pansing very sloping ang Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, ikaw ay isang taong hindi naman materyoso at kulang sa diskarteng praktikalidad. Kumbaga, marami kang gustong gawin at ambisyon sa buhay, pero hindi mo naman magawa at maipatupad.

  4. Tandaan na kaya naging sloping ang Head Line (arrow a.) ng isang indibidwal, sa totoo lang, medyo nabubuhay at masaya na siya sa mga plano at pangarap na wala namang katuparan. Dagdag pa rito, ang isa pang nakasama sa guhit ng iyong mga palad ay ang nahulog na Business Line at Career o Fate Line (Drawing A. at B. B-B arrow b. at F-F arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na bagama’t malimit ka ring makahawak ng malalaking halaga ng salapi, sa halip na ipunin at ibulsa, madali mo naman itong nailalabas o nagagastos sa mga walang kabuluhang bagay.

  5. Dahil dito, nabaon ka sa mga utang dahil tunay ngang hindi mo minamahal ang bawat sentimo o halaga na iyong nahahawakan. Kaya kahit paulit-ulit pang sabihin sa Numerology na ang mga Taong Singko at Otso ay yumayaman, hinding-hindi ito mangyayari sa iyo dahil hindi katugma ng numero mong singko at otso ang mga guhit sa kaliwa at kanan mong palad.


MGA DAPAT GAWIN


  1. Kung hindi ka yayaman, sino ngayon ang yayaman at paano ka makakaahon sa utang? ‘Yan ang tanong na dapat nating sagutin ngayon. Ang sagot ay maghanap ka ng isa sa mga anak mo o puwede rin ang misis mo na may straight Head Line (H-H arrow d.), gayundin ang Fate at Business Line (Drawing A. at B. F-F arrow e. at B-B arrow f.) na hindi nahulog sa pagitan ng mga daliri.

  2. Sinuman sa mga anak mo o maaaring ang misis mo ang nagtataglay ng nasabing mga guhit, kahit ano pa ang hawak niyang numero, malamang na ang guhit ng kanyang mga palad ang matutupad, habang sa impluwensya rin ng mga numero mo, makikita mo na sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran, makakaahon kayo sa kahirapan hanggang sa tuluyan nang yumaman ang inyong pamilya (arrow d., arrow e. at arrow f.).

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page