ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 8, 2024
Ika-8 ng Disyembre ngayon, Pista ng Birhen ng Immaculada Concepcion, ang paglilihing walang sala ng ating Mahal na Birheng Maria, ina ni Hesus, ina ng Diyos.
Mahalaga ang pistang ito dahil ipinagdiriwang ang katangian ni Maria na nagbibigay sa kanya ng kapwa karapatan at karangalan na maging ina ni Hesus, ina ng Diyos. Paano magiging ina ni Hesus, ina ng Diyos si Maria, isang karaniwang babae? Meron ba siyang kakaibang katangian upang siya ang mapiling magbigay buhay sa misong bukal ng buhay?
Natutunan ng lahat ng Katoliko sa kanilang katekismo ang tungkol sa “kasalanang mana.” Makasalanan ang ating mga unang magulang na sina Adan at Eva. Sinuway nila ang Diyos dahil sa tukso ng demonyo na nag-anyong ahas sa hardin ng Eden. Bago sila matukso, malaya at masaya silang gumagala sa malawak at masaganang hardin ng Eden. Puno ng punong prutas at mga gulay ang hardin, kaya’t malinis at walang dugo ang kanilang kinakain. Merong isang puno na hindi nila dapat lapitan at pitasan ng bunga. Ito ang puno ng “kaalaman ng kabutihan at kasamaan.” Maaaring puntahan at pitasan nila ang iba’tibang puno ngunit hindi ang punong ito. At ito ang tukso ng demonyo, “Lapitan at pitasan at kainin ninyo ang bunga ng punong ito at kayo ay magkakaroon ng karunungan ng Diyos. At kayo ay magiging tulad ng Diyos.” Marahil, naisip nina Eva at Adan na hindi lang sila magiging tulad ng Diyos, baka kapag kinain nila ang kakaibang prutas na ito, sila ay hindi lang magiging katulad kundi magiging diyos din!
Ito ang unang kasalanan, ang kasalanan ng kayabangan. Itong kayabangan ang kalimutan, na ating hamak na kalikasan bilang mga nilikha. Hindi tayo masama ngunit hindi rin tayo ligtas sa kasamaan, kahinaan at kamatayan. Kailangan nating kilalanin ang ating kalikasan upang maiwasan ang kapahamakan. Kapag tayo ay yumabang, babalewalain natin ang maraming bagay. Babalewalain natin ang lason sa lahat ng uri at antas nito mula pagkain hanggang gawa, ugnayan sa lahat, sa tao at sa lahat ng nilikha at higit sa lahat babalewalain natin ang lason sa ating pagtingin at pakikitungo sa Diyos.
Hindi ba’t lason ang kayabangan ng maraming tao sa mundo ngayon? Tingnan natin ang nangyayaring giyera at kaguluhan sa Ukraine at Palestine. Hindi ba ito bunga ng kayabangan ng mga namumuno ng mga makapangyarihang bansa? Ilang pakiusap na ang pinaaabot ng United Nations sa lider ng Russia at lider ng Israel upang itigil na ang mapanira’t makamandag at nakamamatay na digma gayundin ang Ukraine at Hamas sa Palestine. Hindi ba’t lason din ang kayabangan ng dalawang nag-uumpugang bundok ng mga makapangyarihang pamilyang pulitikal sa ating bansa? Katatapos lang ng nakapagtatakang panawagan ng mga puwersang lumaban sa mga naturang dilawan ng EDSA Uno. Doon sa EDSA Shrine ni Maria, Ina ng Kapayapaan, nanawagan ang grupo na ang lider ay tinawag na “istupido” ang Diyos, “Tara na at mag-People Power tayo upang suportahan ang aming inuusig na lider.”
Matagal na ang lason ng uri ng pulitikang umiiral sa ating bansa. Masyadong kalat at malalim na ang kagat at kapit ng lasong ito sa marami. Kaya’t may debateng mainit na nagaganap ngayon. Ginigiit ng isang panig, “Dapat ma-impeach na si VP Sara.” Sabi naman ng kabilang panig, “Wala nang panahon dahil eleksyon na sa isang taon, maaaring matapos ang debate sa Kongreso at maipadala na ang “articles of impeachment” laban kay VP Sara sa Senado. Subalit, walang mangyayari sa Senado dahil tila mas maraming kakampi ang anak na babae at ang kanyang ama sa mga senador. Kaya mas epektibong kasuhan sa halip na ipa-impeach si VP Sara.”
Mahalaga ang debateng ito, mahalaga na maging bukas ang lahat na pag-aralan nang husto ang tunay na nangyayari sa ating lipunan. Mahalagang tingnan at unawain ang mga pangunahing problema at tukuyin ang ugat ng mga ito.
Natukso ang ating mga unang magulang at sa halip na manatiling inosente, malinis at payak ang kanilang buhay, sumilid sa kanilang isipan ang paghahangad sa kapangyarihan. “At kung kakainin namin ang prutas mula sa ipinagbabawal na puno, kami ay magiging tulad Niya. Kami ay magiging marunong, magiging… diyos!”
Ginanap kagabi sa aming parokya ang isang panayam tungkol sa “Buhay na Pagkain.”
Tila walang kaugnayan ito sa usapin ng mga lason sa lipunan. Ngunit, sa totoo lang, kung meron tayong maaaring simulan upang lumaya sa lason na sumisira at pumapatay sa tao, kalikasan at lipunan, simulan muna natin sa pagkain.
Linisin natin ang ating kinakain. Tanggalin, iwasan ang lason ng artipisyal, karne, labis na asin, asukal, mamantika (baboy). Iwasan ang mga delata at mga processed food. Iwasan ang mga fast food at junk food. Teka, meron nga palang koneksyon. Sino ba ang gumagawa at nagbebenta ng junk at fast food? Sino ba ang nagpaparami at nagbebenta ng mga hayop na pinatataba sa mga pagkain o “feeds” na kahina-hinala? Hindi ba sila-sila rin?
Kung merong likas na pagkain, pagkaing buhay, meron ding likas na pulitika, pulitikang buhay!
תגובות