top of page
Search
BULGAR

BIR pinag-aaralan ang tamang pag-bubuwis sa e-cigarettes

ni Chit Luna @News | Oct. 4, 2024



File photo

Upang madagdagan ang mga koleksyon mula sa dalawang antas ng excise tax sa mga vape, pinag-aaralan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagpataw ng mas mataas na rate maliban kung mapatunayan ng mga tagagawa ng vape na ang produckto nila ay klasipikadong may mas mababang buwis.


Binanggit ito ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa isang news forum sa Maynila sa harap ng pagpataw ng dalawang level ng excise tax sa vape products na maaaring nicotine salt o nicotine freebase.


Dahil sa pagiging bago ng industriya ng vape at sa iba't ibang formula na ginagamit ng mga producers nito, nagsusumikap ang BIR na pinuhin ang mga umiiral na regulasyon, sabi ni Lumagui.


Ayon kay Lumagui, pinag-aaralan ng BIR ang mga paraan para matakpan ang loopholes sa Sistema ng pagbubuwis sa vape at nakikipag-ugnayan sa mga mambabatas para magsulong ng mas matibay na regulasyon.


Binigyang-diin ni Lumagui ang pangangailangang labanan ang smuggling, illicit trade, misdeclaration at tax evasion na kinasasangkutan ng vape products. Dapat sumunod ang industriya ng vape sa Vape Law, dagdag ni Lumagui.


Ayon kay Bienvenido Oplas, presidente ng Minimal Government (MG) Thinkers Inc., ang pagbaba ng excise tax collection mula sa tabako at vape products ay dahil sa pagtaas ng tax rate, na aniya ay tila nag-udyok sa mga smugglers.


Sinabi ni Oplas na sa kaso ng industriya ng vape, ang smuggling ay sanhi ng magkaibang tax rates para sa nicotine salt at nicotine freebase.

Aniya, habang ang ilang kumpanya ng vape ay nagsasabing ang kanilang mga produkto ay freebase, ang totoo ay nicotine salt ang mga ito para maiwasan ang pagbabayad ng mas mataas na buwis.


Sinabi ni Oplas na habang mas mainam na alisin na lang ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang nicotine products, mangangailangan ito ng pagsususog sa batas. Bilang mabilis na solusyon, maaaring singilin ng BIR ang mas mataas na buwis sa parehong nicotine salt at freebase sa pamamagitan ng administrative issuance, dagdag ni Oplas.


Sinabi ni Oplas na ang misdeclaration ay isang uri ng technical smuggling. Karamihan sa mga importer ang nagdedeklara ng mga produkto nila bilang freebase para maiwasan ang mas mataas na taripa. Halos 100 porsiyento ng mga deklarasyon ay para sa freebase, kahit na ang aktwal na produkto ay maaaring nicotine salt, aniya.


Iminungkahi din ni Atty. Leon P. Mogao Jr., hepe ng Intellectual Property Rights Division ng Bureau of Customs na ang mga importer ay dapat pagbayarin ng P54.60/ml bilang default, at dapat patunayan na ang kanilang produkto ay freebase para makapagbayad sila ng P63/10 ml na freebase rate.


Sinabi ni Mogao na ang Bureau of Customs ay agresibong nagsasagawa ng enforcement operations laban sa mga iligal na vape. Mula 2023 hanggang Agosto 2024, ang BOC ay nakasamsam ng mga produktong vape na walang lehitimong papeles na may halagang P6.5 billion, aniya.

Base sa records, lumalabas na karamihan sa mga produktong ito ay galing sa China, at marami sa kanila ay nakumpiska sa Mindanao, partikular na ang Zamboanga, ani Mogao.


Binigyang-diin naman ni Joey Dulay, presidente ng Philippine E-Cigarette Industry Association (PECIA), ang pangangailangan para sa tamang laboratory testing ng mga produktong nikotina.


Iminungkahi ni Dulay na bago maaprubahan ang Philippine Standard (PS) mark, dapat patunayan ng mga vape traders na ang kanilang produkto ay nicotine salt o freebase sa pagdaan sa laboratory testing.


Sinabi ni Dulay na ang gobyerno ay nagsimulang ipatupad ang Vape Law sa kabuuan noong Setyembre 2024, kasunod ng 18 buwang transisyon, na nagbigay ng pagkakataon sa mga producers at traders na magsumite ng mga kinakailangang dokumento.


Sinabi ni Lumagui na ipagpapatuloy ng BIR ang pagpapatupad ng Vape Law para matiyak na lahat ng mga manlalaro sa industriya ay nagbabayad ng tamang buwis.


Aniya, bilyong piso ang nalulugi sa gobyerno dahil sa smuggling at ipinagbabawal na kalakalan ng sigarilyo at vape products.


"Dati ay nakatutok kami sa malalaking importer at manufacturer na hindi sumusunod at hindi nagbabayad ng tamang buwis. Ngayon, lahat sila, kasama na ang mga tindahan sa mga lansangan," ayon kay Lumagui.


"Hindi namin pinupuntirya ang mga maliliit na negosyo, ngunit hindi ito excuse para sa kanila. Ang malalaking importer at smuggler ay umuunlad dahil sila ay tinatangkilik ng mga reseller.

Kung walang bibili sa mga ipinagbabawal na kalakal, susunod sila. Kaya naman po babantayan natin lahat ng vape shops," dagdag ni Lumagui.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page