top of page
Search
BULGAR

'Bingkay' pinatunayang astig pa rin sa World 9-Ball C'ships

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | September 10, 2024



Sports News

Muling inukit ng Cebuanang si Rubilen 'Bingkay' Amit ang pangalan niya sa kasaysayan bilang kampeon matapos mangibabaw sa prestihiyosong World 9-Ball Women's Championships na nagwakas (Linggo) sa Hamilton, New Zealand.


Tinalo ni "Bingkay" Amit si Chen Siming ng China sa finals sa iskor na 1-4, 4-2, 4-2, 4-3, upang maipatong sa ulo ang korona bilang reyna ng 9-ball sa buong daigdig. Ibinulsa rin ng Pinay ang gantimpalang $50,000 bilang numero uno sa nabanggit na larangan ng pagtumbok.


Maagang regalo rin ito para sa batikang lady cue artist ng Pilipinas na magdiriwang ng kanyang ika-43 kaarawan sa susunod na buwan. Bukod dito, ang tagumpay ay nagsilbing solidong resbak din ni Amit matapos itong kapusin sa World 9-Ball finals noong 2007. Ito rin ang nagbigay sa kanya ng kanyang pangatlong indibidwal na world title matapos itong maging reyna ng 10-ball sa globo (2009 at 2013).


Maliban sa pag-angat sa finals, nangibabaw ang pamosong anak ng Cebu kontra kay Taiwan gem Tzu Chien Wei sa makapigil-hiningang quarterfinals na duwelo, 0-4, 4-0, 4-0, 1-4, 4-2, bago dinaig sa semis si Kristina Tkach ng Russia sa isa pang 5-setter (2-4, 4-3, 2-4, 4-1, 4-1).


Naging tuntungan din ni Amit papuntang trono ng paligsahang may basbas ng World Pool Billiards Association (WPA) ang kababayang si Chezka Centeno. Tinalo ni Amit sa All-Pinay round-of-16 na duwelo si "The Flash" Centeno sa iskor na 4-0, 4-1, 1-4, 4-2 kaya nasipa na sa kangkungan ang kasalukuyang World 10-Ball women's champ mula sa Zamboanga.


Matatandaan ding naobligang humataw sa one-loss side si Amit at kinailangan pang daigin sina Gemma Schuman (New Zealand, 2-0), Han Yu (China, 2-0) at Chieh Yu Chou (Taiwan, 2-1). Nauna rito, nakasibad ang Pinay laban kay Canadian Veronique Menard, 2-0, pero kinapos ang 2-time World 10-Ball Championships winner mula sa Cebu nang masargo siya papunta sa losers' bracket ni Chinese Chia Hua Chen sa iskor na 1-2. (Eddie M. Paez Jr.)

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page