ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 17, 2021
Elijah Wonder Boy Alvarez
Inihudyat ni Elijah “Wonderboy” Alvarez ng Pilipinas ang kanyang potensiyal na magmarka sa buong mundo katulad nina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Dennis “Robocop” Orcullo, Alex “The Lion” Pagulayan, Ronnie “The Volcano” Alcano, Carlo “The Black Tiger” at Rubilen “Bingkay” Amit matapos magkampeon ang binatilyo sa isang virtual tournament na tinaguriang Arcadia One Pool Youth at sinalihan ng mga kabataan mula sa iba’t-ibang bansa.
Sa isang apat na kataong finals, inilampaso ni Alvarez sina Yannick Pongers ng The Netherlands, Arseni Sevastianov mula sa Finland at ang kapwa Pinoy na si Keane Rota para sa pinakamalaking tagumpay ng kanyang sumisibol na billiards career. Umiskor si Alvarez ng 103 puntos samantalang sina Pongers, Sevastianov at Rota ay nakaipon lang ng malamyang 71, 70 at 62 ayon sa pagkakasunod-sunod.
“Lights out shooting in the first half. Well done Wonderboy!”, “Felicidades Elijah!”, “Congrats Idol” at “Congratulations Champion” ang ilan lang sa mga pagbating nakita sa social media matapos ang torneong tinampukan din ng pagpaparamdam ng puwersa ng mga kabataang Pinoy.
Bukod kina Alvarez at Rota, malayo rin ang narating sa kompetisyon ni Anthony Figueroa matapos itong mapabilang sa walo-kataong semifinals. Dito, nakagrupo niya sina Alvarez at Rota kung saan top 2 lang ang nagkaroon ng pasaporte sa finals. Matatandaang tinumbok din ng binatilyo ang isang final 4 performance sa Arcadia Virtual Ghost (VG) Battle of the Sexes Billiards Tournament na ginaganap online.
Ang Pinoy “Wonderboy” ay nakalusot sa matinding hamon mula sa pangatlong grupo ng qualifying stage VG tourney. Sa grupong nabanggit, nakasama niyang ang-ambisyon sina Yuli Hiraguchi ng Japan, Polish ace Konrad Juszczyszyn at ang pambato ng Czech Republic na si Yvonne Ullman Hybler. Pero hindi tinakasan ng tikas si Alvarez at nakuha pang daigin si Poison VG 10-Ball 2.0 Virtual Tournament champion Juszczyszyn kaya nakausad ito sa susunod na yugto.
Comments