ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 29, 2020
Sumulong sa tuktok ng kompetisyon ang binatilyong si Mark Jay Bacojo sa pagsasara ng 13-yugtong na sagupaang tinawag na International Master (IM) Petronio Roca Merry Blitz Masters Tournament noong Araw ng Pasko sa Cavite.
Limang tituladong chessers ang kasama sa mga nakatikim ng lupit ni Bacojo, 14-taong-gulang pa lamang at may FIDE rating na 1926, paakyat sa trono. Taob sina Roca (rating: 2381, round 11), IM Angelo Young (rating: 2321, round 12), FIDE Master Roel Abelgas (rating: 2200, round 6) at Woman IM Kylen Joy Mordido (rating: 2014, round 8).
Bukod dito, napuntusan din niya si Candidate Master Genghis Imperial (rating: 1812; round 3) at nahatak niya sa isang hatian ng puntos si IM Chito Garma (rating: 2345, round 2).
Nakatikim din ng bangis ni Bacojo sina Noel Jay Estacio (round 1), John Curt Valencia (round 4), John Lance Valencia (round 5), Justine Diego Mordido (round 7) at Chester Caminong (round 9) kaya umalsa rin ang performance rating ng kampeon sa 2337.
Tinapos ni Bacojo ang paligsahan taglay ang kartadang 10.5 puntos samantalang ang batikang si Garma ay pumangalawa bitbit ang rekord na 10.0 puntos. Malayong pangatlo si Abelgas na nakapagsuko ng 8 puntos.
Matatandaang naghakot si Bacojo ng gold medal sa individual at team events ng 2019 ASEAN Age Group Championships. Siya rin ang nanguna sa Philippine qualifiers para sa FIDE Online Cadet and Youth Online Championships U14 bracket. Sa Asian event, nabigo itong mag-qualify sa world finals matapos hindi makapasok sa podium.
Comments