ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 25, 2023
Ngayong nakararanas tayo ng tigil-pasada at inaasahang sa mga darating pang pagbabago hinggil sa transportasyon sa bansa ay tiyak na may mga kilos-protesta pa tayong kakaharapin at dito higit na mabibigyang pansin ang serbisyo ng motorcycle taxi, Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).
Dahil napag-uusapan ang alternatibong solusyon sa kakulangan ng masasakyan — alam n’yo bang may 48 Dalian trains na binili ang Department of Transportation (DOTr) sa halagang P3.75 bilyon upang madagdagan ang kapasidad ng MRT-3 at makapagbigay sana ng mas maayos na serbisyo.
Ngunit ang napakaraming bagong train ay hindi naman ginagamit at nakatengga lamang sa MRT Corporation (MRTC) compound at unti-unti nang nabubulok simula nang bilhin ito ng DOTr noong 2014 at hindi pa matiyak kung maaari pang mapakinabangan.
Ito mismo ang pahayag ng Commission on Audit (COA), sa inilabas nilang ulat na inilathala pa noong nakaraang Hulyo 13, dahil hindi umano nakumpleto ang panukalang Way-Forward Plan kabilang na ang testing, commissioning at final acceptance ng Light Rail Vehicles (LRVs).
Kaya ang resulta, imbes na ginhawa sana ang mararanasan ng ating mga kababayang araw-araw sumasakay ng tren ay napagkaitan natin sila ng komportableng serbisyo na dapat ay maayos ng transport system.
Matatandaang noong Enero 24, 2014, ang DOTr ay pumasok sa kontrata na nagkakahalaga ng ₱3,759,382,400 sa CRRC Dalian Co. LTD, isang Chinese locomotive company para sa 48 LRVs bilang bahagi ng Capacity Expansion (CAPEX) Project.
Ang layunin ay makapaghatid ng 800,000 pasahero kada araw ang MRT-3 at bahagi sana ito ng sinimulang expansion na dapat ay ipinatupad noon pang Pebrero 26, 2014 hanggang Enero 20, 2017 ngunit unti-unti na itong nakaligtaan ng publiko.
Nakapaloob sa ulat ng COA na noong Hulyo 26, 2019, umabot lamang sa siyam na LRVs na dapat ay may Provisional Acceptance Certificates na may Final Acceptance Certificates (FACs) ngunit maiisyu lamang ito matapos maipakita ang demonstrasyon ng tren kung paano umandar sa disenyo ng MRT-3 na may bilis na 60 kilometers per hour (kph).
Bale ang final certificates ay mailalabas lamang makaraang maalis na ang speed restriction ng MRT-3 na itinakda para sa Rehabilitation and Maintenance Agreement (RMA) sa pagitan ng DOTr at Sumitomo Corporation – ang orihinal na designer at maintenance provider ng MRT-3. Ang RMA na nagsimula noong Disyembre 28, 2018 ay nagtapos nitong Mayo 31, 2023.
Ang masaklap, ang 39 pang bagon ay hindi pa naisasalang para ma-testing at ma-commission dahil hinihigpitan pa ito dahil sa rehabilitation agreement.
Napag-alaman pa nang magsagawa ng asset valuation ang Systra Philippines noong Hulyo 2022, napansin ng auditors na ang siyam na provisionally-accepted trains ay tatlo lamang ang operational o nasa ‘medium’ condition habang ang lima pa ay hindi talaga gumagana at nasa masamang kondisyon at isa pa ay hindi matiyak kung puwede pang maayos.
Ang bagong Dalian vehicles ay napakarami na umanong insidente na apektado ang line service operation para sa bagong bagon at ang nakikitang dahilan umano kaya hindi mapagana ang mga ito ay dahil sa kawalan ng piyesang mabili kaya nananatiling nakatengga ang limang sira.
Sa ngayon, ang DOTr ay naglabas ng ‘Way-Forward Plan’ upang amyendahan ang Sumitomo deal, upang payagan ang operational deployment ng provisionally-accepted trains at ang pagsama na ng 48 pa para sa RMA ngunit hindi pa ito naipatutupad.
Dahil dito, inirekomenda ng COA na dapat ang DOTr ay makipag-ugnayan sa CRRC Dalian at Sumitomo Corporation para sa kailangang pakikipagtulungan upang mapabilis ang pagkumpleto ng Way-Forward Plan at nang magamit na lahat ang LRVs nang sa ganoon ay mapakinabangan na ito ng riding public at hindi masayang ang pagod, panahon at pondo na inilaan sa bagong LRVs.
Hangad natin na magawan pa ng paraan dahil malaking ginhawa ito para sa mga mananakay, sana huwag bitawan ng DOTr. Tutukan natin.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments