top of page
Search
BULGAR

Bilyonaryong Mafia ang Mahal Ko (8)

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 16, 2024



“Gusto mong pakasalan kita?” Naniniguradong tanong ni Via sa lalaking hindi niya alam ang pangalan. 


“Yes,” nakangising sagot nito.


“Why?”


“Para mabayaran mo utang ng ama-amahan mo.”


Sa pagkakatitig niya sa lalaki, parang nakikita niya roon ang kanyang Tatay Pedro, ngunit ipinilig niya ang kanyang ulo. Nakatitiyak naman kasi siyang hindi ito magkaanu-ano.


“Paano ka nakakasiguro?” Tanong niya sa kanyang sarili. 


Bahagya siyang umiling dahil hindi naman niya talaga alam ang sagot, at hindi rin niya ganu’n kakilala ang kanyang Tatay Pedro. Basta ang alam niya, bigla na lamang itong dumating sa buhay nilang mag-ina noong 8-anyos siya.


“Wala ka ng ibang pagpipilian kundi sumang-ayon. Kunsabagay, maaari ko pa namang makuha ang bahay at lupa n’yo.”


“Huwag.”


“Kung ayaw mong kunin ko ang bahay n’yo bilang kabayaran sa utang ng tatay mo, magpakasal ka sa akin,” matapang nitong sabi sa nakakapangilabot na tinig.


Noon, laging pinapaalala ng ina ni Via sa kanya na, huwag niya umanong papabayaan ang kanilang bahay. Tanging ito lang daw kasi ang maipapamana nito sa kanya at sa kanyang magiging apo. 


“Pag-ibig ang dahilan kaya nagpapakasal ang dalawang tao. Hindi natin mahal ang isa’t isa. Kaya bakit ako magpapakasal sa’yo?” Naghahamong tanong niya rito, at dito na nagsimulang uminit ang kanyang ulo.


“Hindi ko na kailangan pang sabihin sa’yo ang dahilan kung bakit, pero kung tatanggihan mo ang alok kong kasal, hindi naman kita pipilitin. Kaya lang mapapahamak ang ama mo.”


“Papatay ka dahil sa pera?” 


Sa halip na sagutin siya nito, halakhak na nakapangingilabot ang pinawalan ng lalaki. Pakiwari niya tuloy ay kamatayan ang sasapitin ng kanyang stepfather kapag hindi siya pumayag sa gusto nito.


“Kung sa tingin mo ganyan ako kasama, may pagpipilian ka pa ba?” Nakangisi nitong tanong sa kanya na para bang sinasabing magagawa nga nito ang kanyang hinala at hindi niya iyon hahayaan.


Ngunit, may magagawa ba siya kung buhay ng stepfather niya ang kapalit?


Itutuloy…



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page