ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-28 Araw ng Abril, 2024
KINABAHAN si Via sa sinabi ng kanyang ama. Kung hindi kasi siya nagkakamali, matinding galit ang nararamdaman nito ngayon. Nanlilisik ang mga mata nito na para bang gusto siyang sunugin ng buhay.
“Ibig kong sabihin, sinaktan na niya ang kalooban mo, hindi ko na hahayaan na masaktan ka pa niya. Narito naman ako, tutulungan kita para buhayin ang apo ko,” mariin nitong sabi na para bang napaka-simple lang ng sinasabi nito.
“Kahit gustuhin kong bumalik sa kanya, hindi ko magagawa. Paano kung sila na talaga ni Mariz?”
“Eh ‘di very good.”
Kumunot ang noo niya sa isinagot nito sa kanya. Para kasing may laman ang bawat katagang binibitawan nito.
“Makakahanap ka pa naman ng ibang magmamahal sa iyo. Gaya na lamang ni Jake,” wika nito pagkaraan.
“Hinding-hindi ko siya papatulan,” buong diing sabi niya.
“Ang sakit naman nu’n,” wika ng isang tinig na galing sa kanyang likuran.
Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan nang makita niya si Jake, at agad na kumulo ang kanyang dugo.
“Pero, mas masakit pa rin ito.”
Kumunot ang noo niya sa sinabi ni Jake. Para kasing masaya ito sa kung ano’ng nalaman. Lalong nagsalubong ang kilay ni Via nang ilabas nito ang cellphone at sabay play ng recording.
“Sawa na ako kay Via kaya puwede mo na siyang makuha!”
Awtomatikong tumulo ang luha ni Via, dahil hindi siya maaaring magkamali kung sino ang nagsalita. Ito ay si Nhel na kanyang asawa.
Nakagat niya ang kanyang pang ibabang labi dahil sa sakit na kanyang naramdaman.
Gusto na sana niyang humagulgol, ngunit nahihiya siya. Ayaw niyang ipakita kina Jake at sa kanyang ama ang sakit na kanyang nararamdaman. Pakiwari niya kasi ay nilalapirot ang kanyang puso.
So, ibig sabihin, tama lang ang kanyang naging desisyon na hindi ipaalam kay Nhel ang katotohanan?
Itutuloy…
Kommentare