ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-11 Araw ng Abril, 2024
“Sigurado ka na ba sa magiging desisyon mo?”
Hindi agad nakakibo si Via sa tanong ng kanyang Tatay Pedro. Unang-una, ayaw niyang magsinungaling dito. Pero, alam niyang sobra itong mag-aalala kapag hindi niya pinanindigan ang una niyang sinabi rito.
“Sigurado na ho ako, huwag na kayong mag-alala dahil hindi na kayo gagalawin o guguluhin ni Nhel.”
“Pero, ikaw inaalala ko,” wika nito.
“Kaya ko ang sarili ko,” mariin niyang sabi.
Ayaw niyang dumating sa punto na ipamukha sa kanya ni Nhel na wala ito kahit katiting na pagmamahal para sa kanya. Napakahirap naman kasi talaga ang umasa. Saka ayaw na niyang bigyan pa ito ng pagkakataon na saktan siya, dahil baka kapag nangyari ‘yun, mas piliin na lang niyang lumubog sa kanyang kinalalagyan.
“Paano ang asawa mo?” Naguguluhang tanong pa rin nito.
“Mag-asawa lang naman kami sa salita.”
“Naniniwala ka ba na peke ang kasal n’yo?”
“Dapat ba kong umasa na tunay ang kasal namin?”
“Nakakasiguro ako na mahal ka ni Nhel.”
Bahagyang tawa ang pinawalan ni Via at sabay sabing, “Kahit naman mahal niya ako, nakapagdesisyon na ako. Lalayuan ko na si Nhel.”
Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Mas mabuti nang umalis siya, para hindi na siya masaktan pa. Saka, ayaw niyang madamay pa ang magiging anak nila ni Nhel.
Mas maiging lumayo na lang muna siya sa mga taong makakapagbigay pasakit sa kanya. At alam niyang si Nhel lang ang makakapanakit sa kanya at tiyak niyang hindi niya iyon kakayanin.
Itutuloy…
Comentários