ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-5 Araw ng Abril, 2024
Dumagundong nang husto ang dibdib ni Via nang makita niya si Nhel sa kanilang pintuan. Hindi niya kasi inaasahan na magpapakita pa ito sa kanya. Sa ngayon, gusto na lamang niyang burahin sa kanyang isipan ang ideya na niloko lang siya nito. Panigurado kasing hindi iyon totoo.
Ang importante lang ngayon kay Via ay nakita na niya muli si Nhel. Wala na siyang pakialam kung sumagi man sa isipan niya na lolokohin lang siya nito o hindi.
Mahal niya si Nhel. Kaya lahat ay gagawin niya para sa kanyang mister. Kung hindi man siya nito mahal, gagawin niya ang lahat para mahalin siya nito. Naniniwala naman siya na makukuha rin niya ang puso nito.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” Nahagilap niyang tanong.
Bahagyang kumunot ang noo nito na para bang hindi nagustuhan ang kanyang tanong.
“Susunduin ko na ang asawa ko,” buong diing sabi nito.
Nang sabihin ni Nhel ang katagang ‘asawa’ parang ibig niyang ngumiti. Para kasing napaka-possessive nito nang sabihin ang mga katagang iyon. Pakiwari tuloy niya, hindi nito hahayaan na may mang-agaw sa kanya.
“Paano si….” Umiling siya dahil hindi niya matandaan kung alam ba niya ang pangalan ng fiancée ng kanyang asawa.
“Wala akong pakialam kay Mariz. Ikaw lang ang mahalaga sa akin,” mariing sabi nito na para bang gustong pakadiinan sa kanyang utak ang mga sinabi.
“Uuwi na ba tayo?” Excited niyang tanong.
“Wala ba si… Tatay Pedro mo?”
“May pinuntahan lang, ngunit nangako siya na hindi na siya magsusugal.”
Umungol ito na para bang ayaw maniwala sa kanyang sinabi.
“Mas maigi siguro kung mag-uusap kayo.”
“Next time.”
“Okey.”
“Pupunta tayo sa bahay – sa mansyon ng pamilya ko,” mariing sabi nito.
Hindi niya alam kung bakit may kaba siyang naramdaman sa sinabi ni Nhel.
Itutuloy…
Comments