top of page
Search
BULGAR

Bilyonaryong Mafia ang Mahal Ko (26)

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 9, 2024




Hindi makapaniwala si Nhel na magagawa niyang maging sunud-sunuran sa gusto ni Via. Isang malaking kalokohan na pumayag siyang ligawan at haranahin ito.


Nakita kasi ni Via ang gitara na nasa sulok ng kanilang silid. Kahit na marunong naman talaga kumanta si Nhel, hindi siya ang tipo ng tao na pagbibigyan anumang i-request sa kanya. Pakiwari niya tuloy ay hindi na siya makakapaghiganti.


Ngunit, maya-maya kinontra rin niya ang sinasabi ng kanyang utak, “Mas magiging masakit ang paghihiganti mo kung makukuha mo ang kanyang loob”. 


Kaya naman habang inaawit niya ang kantang may pamagat na “Ikaw lamang” ay diretso siyang nakatingin sa mga mata nito. Ibig kasi niyang makita nito ang kanyang katapatan o mas maiging sabihing kasinungalingan. Hindi naman kasi niya masasabi na totoo ang nararamdaman niya rito dahil hindi rin naman siya tunay na umiibig, para sa kanya, isang malaking kalokohan lamang iyon.


Napakaimposible kung iisipin niyang mahal niya si Via, samantalang ilang araw pa lang niya itong nakakasama. 


Napabuntong hininga siya nang maisip niyang bago sila magkita ay may paghanga na siyang naramdaman dito.


“Pagnanasa,” mariin niyang sabi sa sarili.


“Ang ganda ng boses mo, daig mo pa si Christian Bautista!”


“Hindi ko kailangan makarinig ng pangalan ng ibang lalaki,” inis niyang sabi. 


Tunay ngang nakaramdam siya ng matinding galit dahil nakuha pa nitong sabihin ang pangalan ng kanyang ex. Kahit hindi tuloy siya nakaharap sa salamin, tiyak niyang ang pula-pula ng kanyang mukha.


“Para tuloy gusto kong isipin na nagseselos ka.”


“Ba’t ako magseselos sa ex mo? Don’t tell me, hanggang ngayon may something pa rin sa inyo?”


“Hindi ko ex si Christian Bautista. Siya ang isa sa naging singer ng kinanta mo!” Nakangising sabi nito na para bang tuwang-tuwa.


Itutuloy…


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page