ni Mylene Alfonso | June 4, 2023
Ilang konsyumer ng More Electric and Power Corporation sa Iloilo City ang nakakuha na ng refund sa kanilang bill deposit.
Sa seremonya sa tanggapan ng More Power, kabilang sa mga consumers na unang nabigyan ng refund sina Emmanuel Improgo, Baby Jean Agustin at Barangay Chairman Romeo Losario Jagorin, Jr., ng Bgy. Sambag, Jaro.
Ang bill deposit ay ang ibinabayad ng mga konsyumer kapag nag-apply ito ng kanilang electric meter. Alinsunod sa Article 7 ng Magna Carta for residential electric consumers, ang bill deposit ay kailangang ibalik ng mga Distribution Utility (DU) makalipas ang 3 taon o 36 buwan sa kondisyon na ang konsyumer ay nagbabayad sa oras at walang record ng disconnection.
Kuwento ni Agustin, malaking tulong na ibinalik sa ang bill deposit at hindi umano niya alam na may ganitong patakaran.
Gayundin ang pahayag ni Jagorin, aniya, wala silang naririnig na ganitong klaseng refund sa dating DU, kaya nagulat sa balik-bayad na kusang ibinibigay sa mga konsyumer na hindi na kailangan mag-apply o mag-inquire kung kwalipikado sa refund.
Ani Improgo, malaking tulong ang natanggap nitong P2,500.
Ayon kay More Power President at CEO Roel Castro, ang kusang pagbabalik ng bill deposit ay sa hangarin na rin nila na maging ehemplo sa iba pang DU.
Samantala, pinuri ni Energy Regulatory Commission (ERC) Commissioner Alexis Lumbatan ang bill deposit refund initiative ng More Power.
Ani Lumbatan, na dumalo sa seremonya, bihira ang mga DU na kusang nagbabalik ng refund maliban na lamang kung hingin ng consumers kaya malaking bagay na sinimulan
ito. Nabatid na mayroong P5 million bill deposits fund ang More Power na handang ibalik sa mga konsyumer para ngayong taon.
Comentários