ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | May 25, 2021
Upang lalong madagdagan ang kumpiyansa ng publiko sa muling pagkakaroon ng face-to-face classes sa mga low-risk areas, dapat pababain nang husto ang mga kaso ng COVID-19 at bilisan ang pagbabakuna kontra sa virus.
Hindi naman kaila sa atin na ang pagpigil sa pagkalat ng virus ay ang pinakamabisang paraan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro kasunod ng paglobo ng kaso ng COVID-19 noong unang bahagi ng taon.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua, ang dahan-dahang pagpapatupad ng quarantine relaxation ay makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya kapag tuluyan nang makontrol ang pagkalat ng virus. Sa isang pahayag nga ay binanggit din ng mga economic managers na pinahihintulutan ng pinaluwag na restrictions ang mas maraming mga pamilya na makilahok sa mga gawaing pang-ekonomiya. Bukod dito, sinabi rin nilang maaaring kasunod na rin nito ang muling pagsasagawa ng face-to-face schooling.
Mahalagang isinama na ang basic education frontliners sa A4 priority list sa programang pagpapabakuna dahil makatutulong itong mapigilan ang pagkalat ng virus kapag nagbukas na ang mga paaralan. Ngunit ayon sa National Task Force Against COVID-19, nakasalalay sa suplay ng bakuna ang pagpapaturok ng mga nasa A4 priority group.
Kung sakaling hindi pa rin ligtas ang sitwasyon para sa limited face-to-face classes, maaari namang magtakda ang Pangulo, ayon sa rekomendasyon ng kalihim ng Department of Education (DepEd), ng ibang petsa ng pagbubukas ng mga paaralan kapag may kalamidad o sakuna. Ito ay sa bisa ng Republic Act 11480, kung saan ang inyong lingkod ang sponsor at co-author.
Sa ilalim ng Republic Act No. 7797 na inamyendahan ng Republic Act No. 11480, ang simula ng klase ay maaaring itakda sa unang Lunes ng Hunyo hanggang sa huling araw ng Agosto.
Sa ilalim naman ng Adopted Resolution No. 92 na ating isinulong at inaprubahan ng Senado noong Marso, ang pakikilahok sa limited face-to-face classes ay boluntaryo at dapat mayroong pahintulot ng magulang o guardian.
Kung mapapababa lang natin ang kaso ng COVID-19 at mabigyan ng bakuna ang mas marami nating kababayan, magiging mas kampante ang ating mga magulang at mga mag-aaral na makilahok sa limited face-to-face classes.
Habang tuluy-tuloy ngayon ang edukasyon, prayoridad pa rin natin ang kaligtasan at kapakanan ng bawat guro at mag-aaral. Kaya umaasa at nananalangin tayong malagpasan na natin ang mga pagsubok ng pandemyang ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments