ni Jasmin Joy Evangelista | February 3, 2022
Bumababa na ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na naitatala kada araw, ayon sa Department of Health (DOH).
"Magandang balita po ang bungad sa 'tin ng Pebrero sapagkat nagsisimula nang bumaba ang kaso ng COVID-19 sa ating bansa," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.
Matatandaang sumipa ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa noong Disyembre dahil sa mas nakahahawang omicron variant.
Ayon sa DOH, pababa na ang bilang ng kaso sa Luzon habang nagpa-plateau o bumabagal na ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit sa Visayas ngunit sa Mindanao ay mayroon pa ring mga rehiyon na nananatiling mataas ang bilang ng kaso partikular ang health care utilization, ayon sa DOH.
Ayon naman kay Vergeire, hindi pa dapat alisin ang alert level system.
"Kailangan natin maintidihan what the alert level system is, it is a warning system for LGU (local government unit). It serves as a guide for our LGU kung ano ang dapat gawin at this level of the number of cases or utilization of hospitals," ani Vergeire.
"These are things that for now will be around for a while para hindi na mag-surge ang virus kahit na-control na natin sila," pahayag naman ni Dr. Edsel Salvana ng DOH technical advisory group.
Ayon din sa World Health Organization (WHO), dapat maging maingat ang mga bansa sa pagtanggal ng health protocols.
"They open up on the basis that the country next door opened up. The problem is they don’t have the same situation, they don't have the same vaccine coverage, they don't have a strong health system," sabi ni WHO Health Emergency Program Executive Director Dr. Michael Ryan.
Comments