top of page
Search
BULGAR

Bilang ng available na bakuna, dapat alam ng madlang pipol

ni Ryan Sison - @Boses | August 08, 2021



Upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa vaccination sites, hinimok ng isang mambabatas ang Department of Health (DOH) na maging malinaw hinggil sa bilang ng dose ng bakuna kontra COVID-19 ang available sa isang lugar.


Ito ay matapos mag-viral ang mga video kung saan makikita ang maraming tao sa labas ng vaccination sites sa Metro Manila at ilang kalapit-lugar, isang araw bago ang muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).


Base sa video, daan-daang residente ang pumila upang magpabakuna kontra COVID-19, ngunit marami ang nadismaya at pinauwi na lamang dahil maagang napuno ang slots para sa bakuna.


Gayunman, paliwanag ng mambabatas, hindi lamang ang bilang ng una at pangalawang dose na naibigay sa mga vaccinees ang dapat iulat kundi maging ang bilang ng doses na available.


Dagdag pa rito, dapat din aniyang malaman ng publiko kung gaano karaming bakuna ang naideliber sa espesipikong LGU, barangay at probinsiya.


Kung maiuulat sa publiko kung gaaano karaming bakuna ang kayang iturok, mas mabuti ito para hindi na rin umasa ang iba. Kumbaga, hindi aksaya sa oras at enerhiya, gayundin, walang exposure sa ibang tao.


Marami pa rin kasi ang nagbabakasakali na maturukan, kaya kahit sinabing limitado lamang ang mababakunahan, todo-pila pa rin para lang mabakunahan.


Bagama’t nakikita natin ang lahat ng pagsisikap at sakripisyo ng maraming lokal na pamahalaan mula nang pumutok ang pandemya, tingnan at pag-aralan kung kakayanin natin itong gawin.


Mas maganda nang maging tapat at magpakatotoo kung para naman ito sa publiko kesa puro pramis tayong makakapagbakuna, pero kulang naman pala ang suplay.


Kung makatutulong ito upang maiwasan ang mahahabang pila at pagdagsa ng mga nais mabakunahan, subukan nating gawin.


‘Ika nga, wala namang masama kung susubukan, lalo na’t kung para naman ito sa ikabubuti ng taumbayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page